Mga residente ng forestland na nakatira na bago pa mag-1975, puwedeng manatili nang walang permit
- BULGAR

- Oct 3, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 3, 2020
Dear Chief Acosta,
Mula 1940, nakatira na ang aming pamilya sa lupa na kalaunan ay naideklarang “forestland.” Nabalitaan ng aking anak na dapat daw mayroon kaming permit para sa aming patuloy na paninirahan dito upang hindi kami maparusahan. Totoo ba ‘yun? – Ces
Dear Ces,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Presidential Decree (PD) No. 705, o mas kilala sa tawag na Revised Forestry Code. Nakasaad sa Seksyon 53 ng PD No. 705 ang sumusunod:
“Section 53. Criminal Prosecution. Kaingineros, squatters, cultural minorities and other occupants who entered into forest lands before the effectivity of this Code, without permits or authority, shall not be prosecuted: Provided, That they do not increase their clearings: Provided, further, That they undertake, within two (2) months from the notice thereof, the activities which will be imposed upon them by the Bureau in accordance with a management plan calculated to conserve and protect forest resources.”Ayon sa nasabing batas, hindi parurusahan ang mga kainginero, squatter, cultural minorities at iba pang residente ng forestland kahit wala silang permit o authority, kung sila ay nakatira na rito bago pa man maging epektibo ang PD No. 705. Nakasaad din sa nasabing probisyon ng batas na hindi maaaring dagdagan ang kanilang sakop na lupain at susundin nila ang mga aktibidad na itinakda alinsunod sa pagprotekta at pagpreserba ng ating mga likas na yaman. Ang nabanggit na batas ay naging epektibo noong taong 1975.
Samakatwid, kayo ay hindi maparurusahan sa inyong pagtira rito dahil ayon sa inyo, kayo ay nakatira na rito mula noong taong 1940. Ngunit dapat ninyong malaman na kayo ay mahalagang sumunod sa mga alituntunin at aktibidad na itinakda ng batas na ito alisunod sa pagprotekta at pagpreserba ng ating mga likas na yaman.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments