MGA REGALONG BAGS AT SAPATOS NI ROBIN, IBINENTA NANG PALUGI NI MARIEL
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | December 24, 2022

Inamin ni Sen. Robin Padilla na talagang ikinagulat niya nang una niyang nalaman na nagbebenta ng mga pre-loved items online ang misis niyang si Mariel Rodriguez.
Sa kanyang panayam kay Korina Sanchez sa programa nitong Korina Interviews sa NET25 ay ibinahagi ng aktor-pulitiko kung paano nagsimula ang live selling ni Mariel.
Tsika ni Binoe, sa gitna ng kampanya niya nang tumatakbo siyang senador ay wala raw talaga silang perang panggastos sa eleksiyon dahil ayaw niya talagang galawin ang perang inipon niya para sa kanilang mga anak.
Naawa raw si Mariel sa kanya na wala man lang silang panggastos para sa posters at t-shirts niya kaya gumawa ito ng paraan.
“Sabi ko, ‘Hindi ko kailangan ‘yang poster, t-shirts na ‘yan!’” kuwento ni Robin.
Kamukat-mukat mo ay nalaman na lang daw niya sa kanyang manager na may live selling si Mariel.
“Ibinenta niya ‘yung mga regalo ko sa kanya. Bags, sapatos, nagulat ako!” aniya.
Hindi raw siya sinasagot sa text ni Mariel kaya sa online raw siya nag-comment at talagang du’n niya ipinahayag ang pagtutol.
“Binanatan ko sa online, ‘Ano ka ba? Bakit ibinebenta mo ‘yung mga iniregalo ko sa ‘yo?’”
pagbabahagi ng senador.
Ipinampagawa naman daw talaga ni Mariel ng campaign posters at t-shirts ang perang pinagbilhan.
“Kasi noong mga panahong ‘yun, pupunta ako sa isang lugar, ako lang ang walang poster,”
pagre-recall pa ni Robin.
Komento ni Korina, “Nagmamahal lang naman pala ang asawa mo kaya napunta ru’n.”
Sey ni Robin, “Pero Ma’m, ‘yung mga regalo ko na ‘yun, ibinenta lang niya nang kalahati ang presyo. ‘Yun ang ano ru’n, eh. ‘Pambihira ka’ ‘kako.’”
Sabi naman ni Korina, ganu’n daw talaga sa live selling, may discount.
“Sobra naman. Nagbenta siya nang palugi, eh. Eh, okay lang, tapos naman na,” ani Robin.
Aminado naman siyang nakatulong nang malaki sa kanya ang ginawa ng asawa pero nanghihinayang pa rin daw siya sa mga nawalang gamit.
“Nakakapanghinayang lang, Ma’m, kasi may mga istorya ‘yung mga gamit, eh,” aniya.
Ngayon ay mukhang nasanay na si Robin sa pagla-live selling ni Mariel at sabi nga ni Korina, sikat na sikat daw ngayon ang TV host because of this. In fact, siya nga rin daw ay may mga ipinabebentang stuff sa misis ni Binoe.





Comments