Mga pumila sa iPhone 14, OA raw, ipinagtanggol…SIGAW NI OGIE: HAYAAN N’YO SILA! INGGIT LANG KAYO!
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | October 16, 2022

Viral ang mga larawan ng mga taong pumila sa Apple store sa kilalang mall sa Makati City para sa bagong labas ng iPhone 14.
Nabasa namin ang panayam ng kilalang news online sa buyer na nagpakilalang Joey Reyes na inakala namin ay ang direktor na si Jose Javier Reyes, pero hindi pala, kundi karaniwang netizen na inipon ang pambili ng inaasam niyang brand ng cellphone kaya madaling-araw pa lang daw ay nakapila na siya.
Inisip namin kung ganito ba talaga ka-in demand ang bagong labas ng iPhone dahil napakaraming tao ang nakapila considering na ang presyo ay hindi naman pang-masa na naglalaro sa 70,000 to 90,000, depende pa sa model.
Anyway, isa ang talent manager at content creator na si Ogie Diaz sa mga napa-react sa mga viral photos na ito.
Ini-repost ni Ogie ang mga larawan ng mga nakapila sa nasabing store sa iba’t ibang anggulo.
Ang caption niya, “OA daw ‘yung mga nakapila para sa iPhone 14, eh, hindi naman daw ito libre.
“Hahaha! Mga tao nga naman. Hayaan n’yo kaya sila. Pera nila ‘yun, inutang man nila ‘yun o tiniis nilang ‘wag kumain para makabili lang ng iPhone 14, kaligayahan nila ‘yan. ‘Yung fact na nauna silang nagkaroon, ‘yung nakisali sila sa pilahan, kumbaga, history ‘yung pagpila at pagbili at pagkakaroon ng bagong modelo ng iPhone para sa kanila.
“Hangga’t ‘di naman NINAKAW ang ipinambili nila diyan, ano naman (ang) pakialam n’yo?
Problema nila ‘yun kung maputulan man sila ng kuryente o ‘di makabayad ng inuupahang bahay
o tiisin nila ang sikmura nila.
“Napaghahalata lang tuloy ‘yung inggit, porke ‘di makabili. ‘Yung galit dahil walang kapasidad bumili. ‘Yung pagkabuwisit dahil ‘di pa dumarating ang inaasahang pera o meron pang dapat unahing bayaran kesa bumili ng bagong modelo ng celfone.
“If we look at the brighter side, alin ba ang mas gusto n’yong makita? ‘Yung nakapila para makabili ng iPhone 14 o ‘yung nakapila dahil umaasa sa ayuda ng gobyerno?”
May point naman.





Comments