top of page
Search
BULGAR

Mga presong nanalo sa eleksyon, tiyaking makakapagserbisyo

ni Ryan Sison @Boses | November 3, 2023


Hindi lamang pala mga ordinaryong mamamayan ang puwedeng tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), kundi pinapayagan din ang mga bilanggo na gustong maglingkod sa bayan at pinalad pang manalo sa halalan.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), mayroong tatlong persons deprived of liberty (PDLs) na kandidato, ang kumpirmadong nagwagi sa nakaraang BSKE.


Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, pinapayagan nila ang kandidatura ng mga PDL sa halalan hanggang hindi sila nako-convict o nahahatulan na guilty ng korte sa kanilang kinakaharap na kaso.


Sinabi ni Garcia na mula sa Calabarzon ang dalawa sa mga nagwagi, at isa ay mula sa Region 10.


Hindi naman binanggit ang tinakbuhang posisyon ng naturang mga PDLs. Aniya, puwedeng maupo at makapaglingkod sa kanilang constituents ang mga nanalong inmates sa oras na mapawalang-sala na sila sa kanilang kaso sa loob ng kanilang termino.


Binigyang-diin din ni Garcia na kapag sila ay person deprived of liberty at wala pang final and executory judgment of conviction, natural lamang na hindi pa sila guilty sa ating batas, kaya maaari silang tumakbo sa anumang posisyon sa barangay.


Ibinatay ng kalihim dito ang naging desisyon ng Korte Suprema noong Marso 2022 na pinapayagan ang mga PDL na bumoto at tumakbo sa local level.


Gayunman, hindi sila pinapayagan na makapunta sa mga barangay hall upang makapagserbisyo hanggang hindi pa napapawalang-sala o absuwelto sa kanilang kaso.


Mainam ang ginawang ito ng Comelec na pinayagang tumakbo sa eleksyon ang ating kababayang inmates na nais na maglingkod sa kanilang constituents at sinuwerte namang manalo.


Sabagay, may mga pulitiko na rin naman na nasa mataas pang posisyon ang nagserbisyo sa mga kababayan sa kabila na sila ay nakakulong.


Hindi nga naman hadlang ang mga rehas para makapaglingkod sa mga mamamayan dahil ang mahalaga ay ang nais nila na makapagserbisyo sa publiko.


Sana lang, lahat ng mga kandidato ay ganito ang nasa puso at walang bahid ng pag-iimbot habang sa halip na kanilang personal na interes, ang laging iniisip ay unahin ang kapakanan at kalagayan ng kanilang nasasakupan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page