Mga Pinoy worker, puwede na uli sa Kuwait
- BULGAR
- Aug 4, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 4, 2024

Para sa mga Pinoy worker na gustong mag-abroad patungong Kuwait, naglatag na ang gobyerno ng mga requirement na dapat nilang sundin.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), may tatlong kinakailangang gawin ang mga manggagawang Pinoy para makapagtrabaho uli sa Kuwait.
Batay sa Memorandum Circular No. 02-2024 na inilabas ng kagawaran, una, ang mga aplikante ay kailangang may employment record sa DMW database upang maipakita na ang nasabing manggagawa ay may akmang dokumentasyon. Ikalawa, kailangang nakarehistro ang mga ito sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ikatlo, dapat ay wala silang welfare record o kaya ay na-admit sa kustodiya o pag-iingat ng Migrant Workers Resource Center (MWRC). Habang kailangang ito ay ma-certify ng Migrant Workers Office (MWO).
Kabilang sa mga pinapayagang makabalik sa Kuwait ay mga professional, skilled workers, at mga domestic worker na mayroon nang experience.
Matatandaan na noong June ay nag-abiso ang DMW ng reopening o pagbubukas uli ng Kuwait para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Ito ay matapos ang mahigit isang taon nang suspendihin ng Kuwaiti government ang issuance ng visa para sa mga OFW na nagnanais magtrabaho sa nasabing bansa.
Ang suspensyon ay ginawa ng gobyerno ng Kuwait, nang itigil ng Pilipinas ang deployment o pagpapadala ng mga first-time domestic helper kasunod ng nangyaring pagpatay sa domestic worker na si Jullebee Ranara.
Mabuti naman at bukas na uli ang Kuwaiti government para sa ating kababayang OFW.
Iba rin kasi ang magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa lalo na at may katiyakan ng mataas na suweldo at mga benepisyo. Kumbaga, malaki talaga ang kinikita ng mga Pinoy worker abroad kaya malaki rin ang naipapadala naman nila sa pamilya. Ang masaklap lang naman ay ang matinding sakripisyo at pagtitiis nila dahil sa malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay.
Hiling natin sa kinauukulan na sana ay maprotektahan at maalalayan nang husto ang ating mga kababayang OFW. ‘Yun bang matiyak sana na mapupunta talaga sila sa mga employer na maayos at makatao para naman maging maganda rin ang kanilang mga trabaho at hindi na mag-aalala pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments