top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga Pinoy, pasaway na nga puro pa fake news!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 19, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 19, 2021



Marami sa ating mga kababayan ang kasalukuyang nakararanas ng pagkabahala dahil sa patuloy na pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19, ngunit marami rin ang hindi na nga sumusunod ay siya pang nagpapakalat ng mga maling detalye hinggil sa pandemyang ito.


Ang mga kababayan nating nasa tamang kaisipan ay labis ang pangamba na anumang oras ay posible silang mahawa kaya doble-doble ang kanilang pag-iingat at mahigpit na sumusunod sa ipinatutupad na health protocol.


Ngunit ang mga kababayan nating taliwas ang paniniwala, partikular ang mangilan-ngilang hindi talaga sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon ay lantaran ang ginagawang paglabag at palaging may taliwas na pangangatuwiran.


Ang mga pasaway na ito ang siya pa ngayong bumabatikos sa pamahalaan na bigo umanong mapatag ang kurbada ng kaso ng COVID-19 sa bansa at nilalagyan nila ng kung anu-anong paliwanag para patibayin ang kanilang katuwiran.


Tulad na lamang sa unang araw na ipinatupad ang unified curfew hours sa buong Metro Manila ay kitang-kita agad kung gaano katigas ang ulo ng marami sa ating mga kababayan.


Sa kabila nang halos isang linggong panawagan na ipatutupad na ang curfew ay mahigit sa 3,000 katao ang nahuling lumabag sa mismong unang araw at hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi sumusunod.


Base sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), umabot sa 547 katao ang sinita at binigyang-babala na huwag lalabag sa curfew hours na ipinatutupad tuwing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga araw-araw.


Ang Manila Police District (MPD) naman ay nakapagtala ng mga nasakote na 1,139 na sinundan ng Southern Police District (SPD) na may 310 katao ang inaresto na nagmula sa mga lugar ng Makati, Taguig, Paranaque, Las Piñas, Pasay at Pateros.


Sa ulat naman ng Eastern Police District na sumasakop sa Marikina, San Juan, Mandaluyong at Pasig ay nakapagtala ng 139 katao na pinagmulta at sa SPD ay nasa 521 katao naman ang pinagmulta.


Ang Quezon City Police District ay umabot naman sa 668 ang mga violators na pinagmulta at tanging ang EPD lamang ang nagbigay-babala lamang sa mga violator sa kanilang lugar.


Lahat umano ng nasita, nasakote at binigyang-babala dahil sa paglabag sa curfew ay pawang may mga nakahandang katuwiran na hindi naman kapani-paniwala maliban sa pagpapakita lang talaga ng katigasan ng ulo.


Isa sa pinakamatinding argumento na nasalubong ng may 9,000 pulisya na ikinalat sa buong Metro Manila ay kung bakit kailangang pang may curfew gayung hindi naman umano night shift ang COVID-19.


Ito ay sa kabila ng kanilang kaalaman na kaya ito ipinatutupad ay upang mabawasan ang pagdagsa ng mga tao sa kalye, partikular ang mga gumigimik lamang sa gabi na isa sa nakikitang dahilan nang mabilis na pagkakahawa-hawa.


Araw-araw sa tuwing magbubukas tayo ng telebisyon, pakikinig ng radyo, sa mga pahayagan at maging sa social media ay nakakakulili na sa tainga ang paulit-ulit na paalala hinggil sa tamang pagsunod sa health protocol.


Ngunit ang resulta ay tila hindi naman pinakikinggan ng ating mga kababayan ang tagubilin ng pamahalaan na dapat magsuot ng facemask, face shield, sumunod sa physical distancing at regular na maghugas ng mga kamay.


Halos naglalaro sa 4,000 hanggang 5,000 kada araw na ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19, nasa 627,000 na ang kabuuang kaso sa bansa, 68,400 nakarekober at 12, 837 na ang namamatay at ayon sa OCTA Research ng UP ay posibleng umabot pa ito sa 20,000 kada araw ngayong Abril.


May ilang operatiba na nagtangkang gamitan na ng ‘gulpe de-gulat’ ang ilang pasaway ngunit sa huli ay sila pa ang nababatikos na mali umano ang sobrang higpit at nalalabag na ang karapatang-pantao.


Marahil ay hindi maganda ang paghihigpit kung ang sinisita ay napakaliit lamang ng pagkakamali sa ipinatutupad na health protocol ngunit kung lantaran at tahasang paglabag na ang ginagawa ng pasaway ay marahil na tama lang na higpitan na ang pagpapatupad ng batas.


Panahon na para magpakita ang mga awtoridad ng kaunting diin sa pagpapatupad ng health protocol bago pa tayo tuluyang mahawa lahat habang naghihintay sa napakabagal na pagbabakuna sa bansa.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page