Mga Pinoy, mas malakas na ang loob ngayon na labanan ang China, naks!
ni Ka Ambo - @Bistado | April 16, 2021
Magpoprotesta ang Pilipinas kaugnay sa Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Lintek, paulit-ulit na ‘yan, ha?
Alin ang paulit-ulit, ‘yung Chinese vessels?
Hindi.
‘Yung protesta!
◘◘◘
LUMALAKAS na ang loob ng mga Pinoy kontra China.
Bakit?
Maaaring ipinagyayabang nila ay ang barko-de-giyera ng ‘Kano!
◘◘◘
WALANG lakas at tapang ang Pinoy kontra China.
Nanghihiram lang siya ng tapang sa ‘Kano.
Entiendes!
◘◘◘
AKTUWAL nang may girian na naganap sa karagatan sa paligid ng Pilipinas.
Sangkatutak na ang mga barko-de-giyera sa China Sea at Pacific Ocean!
◘◘◘
AMINADO ang lahat na hindi umaangat ang ekonomiya ng Pilipinas at posibleng bumagsak pa ito nang todo bago matapos ang taon.
‘Yan ang totoong isyu, hindi ang virus!
◘◘◘
MAKARAAN ang isang taong pandemic at krisis, hindi naresolba ang aktuwal na problema.
Malungkot at napakapait na katotohanan!
◘◘◘
MAGKAKANI-KANYA na lamang ng solusyon ang bawat barangay, bawat pamilya at bawat tao.
Hindi na dapat pang asahan ang gobyerno!
◘◘◘
ANG pandemic ay naglutang ng malinaw na katotohanan—ang gobyerno ay hindi sapat o hindi epektibong makatutulong sa krisis sa lipunan at buhay nang tao.
Dapat magkusa ang pribadong sektor na umasiste o aktuwal nang sumaklolo sa mga nagdarahop!
◘◘◘
DAPAT ipasok sa Konstitusyon ang kalayaan ng pribadong sektor na magsagawa ng charity operations—nang hindi isasailalim sa superbisyon ng pamahalaan.
Lumutang din ang pagiging ganid at korup ng mga nasa pamahalaan!
◘◘◘
ANG demokratikong gobyerno ay bigong pigilan o masugpo ang pandemic.
Kapos ito ng pangil upang madisiplina ang ordinaryong mamamayan!
◘◘◘
SA totoo lang, noong Abril 2020 ay inirerekomenda ng espasyong ito ang pikit-matang deklarasyon ng Martial Law na iiral ng 30 hanggang 90 araw—mahigpit na pagpapairal ng hard lockdown.
Layunin nitong matukoy agad kung nasaan lugar ang virus at aktuwal na mapigil ang pagkalat.
Kung pinairal ang 90-day Martial Law sa pagsisimula ng pandemic—mas mauuna sana ang Pilipinas na makarekober tulad ng Vietnam at Taiwan!
◘◘◘
KAKAMBAL ng Martial Law ay kamay na bakal na pagpapairal ng batas at matinding disiplina.
Hindi naipairal nang epektibo ang protocol at nananatiling walang disiplina ang buong populasyon kasama ang nagpapatupad ng batas—pulis, sundalo at matataas na opisyal ng gobyerno.
Kung nag-Martial Law agad—hindi sanay, tapos na ang krisis!





Comments