top of page
Search
  • BULGAR

Mga Pinoy caregiver, kailangan sa South Korea

ni Ryan Sison @Boses | October 05, 2023


Nakakabilib talaga ang sipag at tiyaga ng mga Pinoy lalo na kung ang pag-uusapan ay kahusayan ng mga ito sa pagtatrabaho abroad.


Patunay nito ay ang South Korean government na nagpahayag ng kanilang interes na kumuha ng mas maraming Filipino caregivers.


Ayon kay South Korean ambassador to the Philippines na si Lee Sang-hwa, ito ay dahil sa magandang reputasyon ng mga Filipino caregiver sa iba’t ibang bahagi ng buong mundo.


Sinabi pa ni Lee na pinag-uusapan na nila ng Department of Migrant Workers (DMW) ang posibilidad na magkaroon ng bilateral labor agreement.


Habang ang target schedule naman para sa bagong batch ng mga Filipino caregiver na ide-deploy sa South Korea ay bago matapos ang taon.


Maituturing na superb ang mga Pinoy pagdating sa pagtatrabaho kung ikukumpara sa ibang bansa.


Karamihan kasi sa ating mga manggagawa mapa-lokal man o abroad ay talagang napakatiyaga at napakasipag.


Lagi nilang iniisip na gawing mabuti at paghusayan ang kanilang trabaho para sa kanilang pamilya.


Hindi rin nila alintana ang pagod at hirap o kaya ang lungkot na maging malayo sa kanilang mga anak at asawa. Basta ang alam lang nila ay magsikap at magtrabaho na kung minsan ay nagsa-sideline pa para magkaroon ng malaki-laking kita na maiintrega nila sa pamilya.


Marahil, ito ang kaibahan natin sa ibang manggagawa abroad dahil sa galing sa diskarte ng mga Pinoy kaya naman tayo ang talagang hinahanap-hanap na magtrabaho sa iba’t ibang bansa.


Hiling natin sa kinauukulan na patuloy na suportahan at proteksyunan ang ating mga overseas Filipino workers para naman mas lalo silang sipagin sa pagtatrabaho na malaking tulong sa ekonomiya ng ating bansa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page