ni Ryan Sison @Boses | Nov. 14, 2024
Kung ang ilan sa atin ay inaakalang masarap ang magtrabaho abroad dulot ng pagkakaroon ng malaking suweldo marahil ay nagkakamali tayo, dahil kapalit nito’y napakaraming sakripisyo at paghihirap na nararanasan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), mayroong hindi bababa sa 44 Pilipino sa ibang bansa ang kasalukuyang nahaharap sa parusang kamatayan.
Ito ang ibinunyag sa pagpapatuloy ng Senate plenary deliberations sa panukalang 2025 national budget ng kagawaran nitong Miyerkules.
Sa ginanap na interpellation, ipinahayag ni DMW budget sponsor Senador Joel Villanueva na 41 sa mga Pinoy na nasa death row ay nasa Malaysia, dalawa ay nasa Brunei at isa naman sa Saudi Arabia. Karamihan sa mga kaso nila ay may kinalaman sa droga at pagpatay.
Sa kaso ng Pinay na hinatulan ng kamatayan sa Saudi Arabia, sinabi ni Villanueva na sinaksak umano ng naturang OFW ang kanyang amo matapos siyang verbal at pisikal na abusuhin.
Binanggit ni Villanueva na ayon sa naturang OFW, ito ay self-defense o pagtatanggol sa kanyang sarili habang isang petition for reconsideration para sa akusado ang isinumite ng legal retainer ng departamento.
Ang Pinay na ito sa Saudi Arabia ay umapela sa kanyang kaso sa pamamagitan ng DMW’s retainer lawyer, at nakakulong ng humigit-kumulang pitong taon na ngayon, anang senador.
Ipinahayag din ni Villanueva na “nakipagnegosasyon at kinukumbinsi” ng DMW ang pamilya ng biktimang OFW na tanggapin na ang blood money.
Sa 41 Pinoy na hinatulan naman ng kamatayan sa Malaysia, sinabi ni Villanueva na ilan sa kanila ay mga drug mule habang ang ilan ay nahuli dahil sa pagmamay-ari ng illegal substances.
Gayunman aniya, ang Migrant Workers Office sa Malaysia ay nagbigay na ng tulong pinansyal sa mga manggagawa habang regular na mino-monitor ang kanilang mga kondisyon.
Ipinagpaliban naman ang pagbitay sa dalawang Pinoy na nahaharap sa capital punishment matapos mahatulan sa kasong pagpatay sa Brunei dahil sa de facto moratorium sa death sentences sa Southeast Asian country.
Ang parehong manggagawa ay regular na binibisita ng departamento at mino-monitor ng Migrant Workers Office sa Brunei. Ang kanilang mga pamilya ay tinulungan din sa kanilang compassionate visit sa Brunei, ayon pa kay Villanueva.
Sadyang hindi talaga madali ang magtrabaho sa ibang bansa dahil na rin siguro sa mahirap makisama o pakisamahan ang mga hindi naman natin kalahi, kung saan iba ang mga kultura, nakagawian, pagkain, pag-uugali at marami pang iba.
Maaari pa nga na ang iba sa ating mga kababayang OFW ay nakakaranas ng pagmamaltrato o pagmamalupit mula sa kanilang mga amo subalit hindi na lamang nagrereklamo at tinitiis ang hirap dahil ang palagi nilang iniisip ay ang kanilang pamilya na naghihintay ng mga ipapadala nilang suweldo.
Ang iba naman sa kanila, dahil siguro sa hindi na makayanan ang nararanasang pang-aabuso at pagmamalupit ng kanilang mga boss, kaya nagawa nilang lumaban na nagresulta naman na masaktan o mapatay nila ang kanilang mga amo.
Panawagan natin sa kinauukulan, sana ay matulungan natin ang ating mga OFW na nasa death row na talagang napakarami. Gawan natin ng paraan na huwag silang humantong sa parusang kamatayan, kung sakali mang lumabag sa batas ng bansang pinagtatrabahuan ng mga OFW.
Huwag din sana nating hayaan na ang mga gobyerno ng bansang ito ang magpataw ng parusa sa kanila, bagkus dito at tayo na lamang ang maglitis at magbigay ng kaparusahan. Kumbaga, kailangan natin silang sagipin sa tiyak na kapahamakan sa ibang bansa.
Sana, isipin natin na anuman ang mangyari ay dapat nating protektahan ang ating mga kababayang OFW.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments