Mga pasaway sa NBA, keep your distance!

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 14, 2021

Nagkasundo ang National Basketball Association (NBA) at ang NBA Players Association (NBAPA) para sa mga bago at mas pinahigpit na health at safety protocol sa gitna ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa liga at sa buong Estados Unidos. Pangunahin dito ang paglimita sa kilos ng koponan sa susunod na dalawang linggo sa loob ng “bubble court.”
Mananatili na ang lahat sa sariling tahanan o hotel. Maaari lang lumabas kung may laro o ensayo at ang pakikisalamuha ay limitado rin sa mga kasama sa loob ng bahay.
Lahat ng manlalaro, coaches at staff ay kailangang magsuot ng face mask habang nasa bangko at sa silid bihisan. Maglalagay ng magkakahiwalay na mga upuan habang nagpapahinga at dapat magsuot agad ng face mask kapag bumalik sa bangko ang player matapos maglaro.
Papayagan lang dumating ang team sa palaruan ng hindi hihigit sa tatlong oras bago ang simula ng laro at ang pagpupulong ay hindi lalampas ng 10 minuto. Bawal ang kamayan, apir o yakapan bago at pagkatapos ng laro at kailangang manatili sa anim na talampakan ang agwat ng bawa’t isa.
Pagdating sa pagbibiyahe, ang magkakatabi sa eroplano o bus ay dapat sila rin ang magkakatabi sa bangko pagsapit ng laro. Bawal na rin ang pakikigsalamuha sa mga kapwa-bisita sa hotel na hindi bahagi ng koponan at bawal din ang kumain sa labas.
Pinag-aaralan ng liga ang panukala na kumuha ng karagdagang manlalaro ang mga koponan para hindi sila kapusin ng kinakailangang walong nakabihis oras na may bagong nahawa ng COVID-19 sa kanilang panig. Maaaring magbago ang mga bagong patakaran na ito ayon sa sitwasyon ng pandemya sa mga susunod na araw.
Dahil sa mga kasong tumaas, ipinagpaliban ang mga laro ng Boston Celtics kontra Orlando Magic dahil walong players ang infected at ang Utah Jazz laban Washington Wizards ngayong araw. Hindi rin natuloy ang tapatan ng Celtics at Chicago Bulls kahapon kaya umabot na sa lima ang apektadong laro buhat pa noong Disyembre 22, ang unang araw ng liga.





Comments