Mga pakulo ng mall para sa dagdag-kita, siguraduhing ‘di banta ng COVID-19
- BULGAR
- Jun 20, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | June 20, 2021
Mahigit isang taon nang manalasa ang pandemya, ramdam na ramdam na ang ilang pagbabago sa mga negosyo.
Dahil pinapayagan nang tumanggap ng mga parukyano ang mga restoran hanggang 50% ng kapasidad nito,unti-unti nang dumarami ang mga kumakain sa mga resto. Kasabay nito ang pagdami ng mga manggagawang pumapasok sa mga establisimyento matapos matengga ng ilang buwan.
Samantala, ayon sa mga pamunuan ng mall, dumarami na ang bumibisita sa kanilang mga establisimyento mula nang magluwag ng quarantine restrictions noong nakaraang linggo.
Handa na rin umano ang mga mall sa inaasahang pagdagsa ng mga tao ngayong araw dahil Father’s Day. At bagama’t inabisuhan na ang mga security guard, nakiusap pa rin ang mga mall management sa publiko na sumunod sa health protocols.
Nakatutuwa na bumabalik na sa trabaho ang maraming manggagawa, gayundin, kumikita na ang ilang negosyo, pero hindi ibig sabihin nito na malaya na tayong gawin ang mga nais natin.
Sa ngayon, kani-kanyang diskarte ang mga pamunuan ng mall para magkaroon ng dagdag-kita sa gitna ng pandemya. Ngunit paalala lang na tiyaking ligtas ang mga gimik na ito, kumbaga, dapat matiyak na hindi ito dudumugin ng mga tao o siguraduhing bantay-sarado ang health protocols para iwas-hawaan.
Baka ang ending, tumaas nga ang kita n’yo, pero tumaas din ang hawaan dahil sa mga pakulong ito. ‘Ika nga, ‘wag pera-pera, siguraduhin ding ligtas ang inyong mga kostumer.
Matatandaang noong nakaraang taon, isang mall ang ipinasara dahil sa pagdagsa ng mga tao kung saan hindi nasunod ang social distancing.
Hangad nating magsilbing babala at paalala ang insidenteng ito sa mga pamunuan ng mall, gayundin sa taumbayan na lahat tayo ay may responsibilidad sa oras na lumabas tayo ng ating tahanan.
Tandaan, napakarami pa nating pagdaraanan upang matuldukan ang pandemya, gayundin, maraming banta sa pagkalat ng virus, kaya utang na loob, maging bahagi tayo ng solusyon at panibagong aberya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments