Mga opisyal ng barangay, ‘wag maging abusado
- BULGAR
- May 11, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 11, 2024

Dahil sa kontrobersyal na parusa para sa mga lumabag sa hindi tamang pagtatapon ng basura, ang kapitan ng barangay at limang iba pang opisyal ng Barangay Calaba sa Bangued, Abra ay isinuspinde.
Batay sa ulat, ilang residente ang nagreklamo na tila banta sa kanilang buhay o life threatening ang parusang ipapataw sa ikatlong paglabag sa improper waste disposal na nais ipatupad ng mga opisyal ng barangay.
Makikita kasi sa tarpaulin na ang mga violator ay dapat na magbayad ng multang P1,000 para sa unang paglabag, at P1,000 at walong oras na community service para sa ikalawang paglabag. Habang para sa ikatlong paglabag, ang signage ay nagpapakita ng larawan o illustration ng isang handgun.
Kaya naman iniutos ng Sangguniang Bayan ng Bangued ang 90-araw na preventive suspension laban sa barangay captain, apat na barangay kagawad, at Sangguniang Kabataan chairperson.
Ayon kay Sangguniang Barangay Secretary Eric Astudillo, ang preventive suspension ay hindi isang penalty o parusa dahil ang layunin lamang nito ay upang hindi maimpluwensyahan ang mga testigo o witness, at para hindi masira ang integridad ng mga record at iba pang mga dokumento.
Samantala, dinidinig ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kanilang mga kaso hinggil sa grave misconduct, grave abuse of authority, gross neglect of duty, gross dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sa ngayon, ang 1st Kagawad ang papalit sa tungkulin ng nasuspindeng barangay captain.
Tila nagkaroon ng pag-abuso sa kanilang tungkulin ang mga nahalal na barangay officials, na kung tutuusin ay wala pa silang isang taon na nagseserbisyo sa kanilang barangay.
Masyado namang mabigat ang gusto nilang parusa sa simpleng kaso ng paglabag na hindi tamang pagtatapon ng basura sa mga residente ng lugar.
Kung titingnan kasi sa first offense pa lamang ay matindi na ang ipapataw na multang P1K na halos presyo na ng kalahating kaban ng bigas, na batid naman natin na napakahirap ng buhay at tiyak na magiging pahirap ito sa mga residente ng naturang barangay.
Sana, pinag-iisipan muna ng mga nailuklok na mga opisyal ng barangay ang kanilang mga naging desisyon, bago pa nila ito ipatupad o kaya ay ianunsiyo sa kanilang nasasakupan dahil nagdudulot ito ng takot sa mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments