top of page

Mga opisyal na sangkot sa plunder, lagot sa death penalty

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 22 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 5, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa usapin tungkol sa mga “ghost project” sa flood control na nagdudulot ng pagkalugi sa ekonomiya, tila isang malupit na tugon ang pagbabalik ng lethal injection bilang pinakamabigat na parusa para sa mga korup o tiwaling opisyal ng gobyerno. 

Pero makatarungan nga ba ang parusang kamatayan upang tuldukan ang malalim na ugat ng katiwalian sa pamahalaan? 


Ayon sa Department of Finance, tinatayang P42.3 bilyon hanggang P118.5 bilyon ang nalulugi sa ating ekonomiya taun-taon dahil sa maanomalyang flood control projects mula 2023 hanggang 2025. Ang halagang ito ay katumbas ng 95,000 hanggang 266,000 na trabahong sana’y nalikha. Kaya naman isinusulong ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang panukalang batas na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan para sa krimeng plunder o pandarambong, kung saan ito ay nagbukas ng isang mahalagang diskusyon tungkol sa hustisya, korupsiyon, at kinabukasan ng ating bansa. 


Hindi maikakaila na ang ganitong kalaking problema ngayon ay nagpapahirap sa maraming ordinaryong mamamayan. Sinasalamin din nito ang matinding epekto ng korupsiyon sa buhay ng bawat Pilipino. 


Sa pagpapatupad ng death penalty sa ganitong kaso, maaaring ito ay hindi sapat na solusyon sa pinakaugat ng problema. Ang pagiging desidido ng gobyerno na habulin ang lahat ng tiwali at patawan ng kaukulang parusa ay higit na kailangan. At ang hustisya para sa mga Pinoy ay hindi lamang sa pagbibigay ng mabigat na parusa sa mga lumalabag kundi sa pagpapatatag ng mga institusyon na may kakayahang mapigilan o supilin ang korupsiyon.


Sa ganang akin, ang mungkahing parusang kamatayan sa kasong plunder ay nagpapakita ng matinding galit sa mga tiwaling opisyal, na piniling payamanin ang sarili sa gitna ng paghihirap ng marami, subalit hindi ito nagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang magbago at pagsisihan ang mga kasalanan. 


Gayundin, ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay may kaakibat na peligro. Maaaring may sitwasyon na lumalagpas na sa karapatang pantao. Kaya kailangan pa ng mas malalim na pag-aaral tungkol dito bago muling ipatupad. 

Marahil, ang tunay na solusyon ay ang pagkakaroon ng mas matatag na sistema ng hustisya na walang kinikilingan, mabilis na pag-usig sa mga akusado, at transparent na pamamahala. 


Sa halip na magpokus sa mabigat na parusa, mas dapat sigurong unahin ang pagpapalakas, paglilinis sa mga ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang korupsiyon, habang mapanagot ang mga sangkot. Higit pa rito ay ang paghalal natin ng mga mas karapat-dapat at tapat na opisyal. Ito ang paraan upang matuldukan ang ugat ng katiwalian sa bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page