top of page

Mga nakauwing Pinoy na biktima ng scam hubs abroad, tulungang agad makabangon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 14
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 14, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakauwi na rin sa wakas sa lupang sinilangan ang 346 na overseas Filipino workers (OFWs) na naging biktima ng human trafficking at sapilitang pinagtatrabaho sa mga online scam hubs sa Myanmar — isang pagbabalik ito na simbolo ng pag-asa, katarungan, at panibagong simula. Pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang repatriation, ang pinakamalaking batch ng mga nailigtas mula Myanmar.


Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, dumating sila sa NAIA Terminal 1 sakay ng chartered flight mula Bangkok, Thailand, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pauwiin ang lahat ng biktima ng human trafficking sa Myanmar at kalapit na bansa. 


Sinabi ni Cacdac, nasa maayos na kalagayan ang lahat ng repatriates. Ang mga OFWs na ito ay sasailalim sa psychosocial counseling, medical checkup, at bibigyan ng transportation at accommodation assistance. Dagdag pa rito, makatatanggap din sila ng tulong pinansyal, reintegration programs, at training vouchers mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapagsimula muli ng marangal na kabuhayan. 


Kabilang sa mga nakauwing safe na OFWs ay ang 127 na pormal na kinilalang biktima ng trafficking at 219 mula sa Mae Sot Immigration Facility sa Thailand. 

Kasalukuyang isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang imbestigasyon upang matukoy ang mga recruiter at kasabwat sa operasyon ng illegal recruitment at human trafficking. 


Paliwanag naman ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, karamihan sa mga biktima ay naengganyo sa pamamagitan ng pekeng social media job ads na nangangakong mataas ang sahod bilang “chat support” o “online staff.” Sa halip, napilitan silang magtrabaho sa cyber-scam compounds na naging marahas at naabuso. Ilan pa sa kanila ay ipinupuslit sa mga backdoor routes sa Palawan at Tawi-Tawi upang makaiwas sa immigration checks. 


Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang ating gobyerno sa Thailand at Myanmar para mapanagot ang mga sindikato at masagip ang natitira pang biktima. 


Ngunit higit sa lahat, panawagan ito sa mga Pinoy na nangangarap magtrabaho abroad na mag-ingat, mag-verify, at dumaan sa tamang proseso. Dahil sa panahon ngayon, hindi lahat ng oportunidad sa socmed ay tunay, ang ilan ay pain lang ng mga mapanlinlang na recruiter. 


Sana sa pagkakataong ito sila ay magkaroon na ng magandang buhay sa loob ng bansa, at maka-recover sa mga nangyari sa kanila. 


Sa kinauukulan, tuluy-tuloy sana ang pagsagip sa ating mga kababayan na patuloy na nakakaranas ng pang-aapi sa ibang bansa, at agarang maabutan ng tulong para makauwi ng ligtas sa kanilang pamilya at makapagsimula ng bagong buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page