Mga nakatiwangwang na health center, tapusin na
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 20, 2025

Dapat sigurong inuuna ang programang pangkalusugan ng mamamayan kaysa sa paulit-ulit na sakit sa sistemang hindi matapos-tapos na mga proyekto.
Kaya nang dinggin sa Senado na may 1,823 health centers ang Department of Health (DOH) na hindi pa rin tapos, na tinatayang nagkakahalaga ng P32.4 bilyon, muli na namang sumambulat ang mga anomalya, ang mabagal, magulo, at tila ba mga pareho lamang problema sa mga proyektong hanggang ngayon ay hindi rin naisasagawa.
Sa interpellation ng iminungkahing P262.8 bilyong DOH budget para sa 2026, inamin ni Sen. Pia Cayetano na hindi kasama ang P32.4 bilyong kailangan para tapusin ang mga nakatiwangwang na pasilidad sa National Expenditure Program (NEP).
Wala pang ibinibigay na detalyadong listahan ang DOH kung alin ang “easy fixes” o alin ang dapat unahin.
Dismayado naman dito si Sen. Loren Legarda, aniya, mismong Department of Budget and Management (DBM) ang nagsabing dapat prayoridad ang pagtatapos ng mga proyektong sinimulan na. Mas nakakabahala pa, ilang dekada nang problema ang mga naantalang pasilidad sa DOH — daan-daan bawat taon, bilyun-bilyon ang presyo, pero nananatiling walang saysay dahil hindi nagagamit ng mga kababayan.
Paliwanag ng DOH, epekto umano ito ng zero budgeting system, kung saan ang pondo lang na kayang gastusin sa loob ng isang taon ang puwedeng hilingin. Pero sa real-world setting, ang resulta nito ay mga istrukturang nakatayo subalit hindi matapos-tapos, naka-standby, at parang monumento ng pagkaantala.
Sa House budget deliberations pa lang, nabunyag nang sa 600 health centers na dapat operational, 200 lamang ang talagang nagagamit. Ibig sabihin, napakaraming pasilidad ang nakakalat, pero walang pakinabang — habang libu-libong Pinoy sa probinsya ang pilit bumibiyahe ng malayo para magpagamot sa mga ospital at health facilities.
Kung hindi paiigtingin ang imbestigasyon sa mga anomalya at kahina-hinalang pagkaantala, magpapatuloy ang siklo ng pag-aaksaya ng pondo at pagkabalam sa serbisyong pangkalusugan. Ang health center ay para sa lahat, ito ay lifeline ng mga kababayan. Kailangang full audit, may malinaw na accountability, habang agarang aksyunan ang mga proyekto.
Kung hindi mapopondohan, hindi matatapos. At kung hindi matapos, buhay ng mga mamamayan ang nalalagay sa alanganin. Hindi dapat pinapatagal ang ganitong mga proyekto lalo’t kapalit nito ay ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments