top of page

Mga nabu-bully, ‘wag matakot na magsumbong sa itinalagang officer sa iskul

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 8
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 8, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi simpleng kapilyuhan ang bullying. Isa itong lason sa murang isipan ng kabataan na unti-unting sumisira sa tiwala sa sarili, pagkatuto, at kinabukasan nila. Kaya marapat lamang na ang pagtugon dito ay hindi basta pakiusap kundi isang malinaw na paninindigan ng bawat institusyong pang-edukasyon. 


Dahil dito, opisyal nang nilagdaan ng Department of Education (DepEd) ang revised o binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013 o Republic Act 10627. Layunin ng repormang ito na paigtingin ang kampanya laban sa pambu-bully sa mga paaralan, pampubliko man o pribado. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang paaralan ay para sa pagkatuto, at hindi sa pananakot o pananakit. Matatandaang, isa siya sa mga may-akda ng batas noong siya’y senador pa, at ngayon ay siya na ring lumagda ng mga patakaran para sa mas epektibong pagpapatupad nito. Lahat ng paaralan ay inaatasang gumawa ng konkretong hakbang laban sa bullying, kabilang na rito ang paglatag ng prevention programs, maagang interbensyon, at malinaw na proseso sa reklamo at apela. 


Nilinaw din ang responsibilidad ng mga guro, magulang, tagapamahala, at estudyante upang walang insidenteng mababalewala. Bahagi naman ng bagong IRR ang pagtalaga ng Learner Formation Officer na magsisilbing unang takbuhan ng mga biktima at tututok sa bawat kaso. Hindi rin kinakaligtaan ang mga hindi pisikal na pananakit tulad ng panlalait, pang-iinsulto, at social exclusion, dahil lahat ng anyo ng pambu-bully ay may epekto. 


Pinalalakas din ang anonymous reporting system para sa mga biktimang natatakot magsalita, at may 30 araw ang bawat paaralan para imbestigahan at resolbahin ang reklamo. Bukod dito, sisiguraduhin ng DepEd ang aktibong Child Protection Committee sa bawat eskwelahan, habang isasama naman ang anti-bullying protocols sa student handbooks. Sa panibagong IRR na ito, hindi lang basta pangako ang ipinapakita ng DepEd, kundi konkretong pag-aksyon at paninindigan. 


Gayunpaman, ang tunay na tagumpay nito ay nasa pagsasabuhay ng mga guro, magulang, at mag-aaral ng respeto, pakikiisa, at malasakit. Hindi pa rin sapat ang papel at pirma, kailangan ang disiplina, pag-unawa, at mabilis na pagkilos. 


Bilang isang mamamayan, naniniwala tayong responsibilidad ng bawat isa, hindi lang ng kagawaran ang pagkakaroon ng ligtas na espasyo para matuto. 


Marami na tayong istorya ng mga batang hindi na muling bumalik sa paaralan at ayaw nang mag-aral dahil sa pambu-bully at ito ay hindi na dapat ikibit-balikat lang. Sa bawat gagawing hakbang o reporma sa edukasyon, sana’y isunod ang tunay na pagbabagong may puso at malasakit. Dahil ang mga batang nag-aaral ng ligtas at maayos, ay mga batang may tinatanaw na magandang kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page