Mga motorista, ‘wag magpabiktima sa ‘bangga-higa’ modus
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 21, 2024
Babala sa mga motorista na maging alerto sa pagbiyahe sa mga lansangan upang hindi mabiktima ng ‘bangga-higa’ modus.
Batay sa report ng GMA News, nakuhanan ng video ang isang insidente ng tinatawag na ‘bangga-higa’ modus sa Cagayan de Oro City.
Huli sa dashcam video ang isang nakaputing lalaki na bigla na lang bumulagta sa kalsada pagkadaan ng isang puting pickup truck.
Ayon sa nag-upload ng video, hindi naman nasagi ng pickup ang lalaki, at ilang ulit din itong tumatawid sa kalsada bago pa man mangyari ang insidente.
Sinabi naman ng pulisya na modus ng mga ito na magpanggap na nabundol ng sasakyan habang papatawid ng kalsada, para makakuha ng pera sa mga mabibiktimang motorista.
Sa ngayon ay hinanap pa ng mga otoridad ang lalaki sa video at posibleng mga kasabwat nito. Nanawagan na rin ang Philippine National Police (PNP) sa driver ng truck na makipag-ugnayan sa kanila para mahuli ang naturang lalaki.
Kung anu-anong raket na ang pinapasok at ginagawa ng iba sa atin para lamang makapambiktima at makakulimbat ng pera.
Mabilis nga naman itong gawin, ilang minuto lang na magkukunwaring nabundol ng sasakyan, matutumba sa kalye, bababa ang driver para ito ay tulungan. At sa halip na magpunta sila sa presinto at gumawa ng report sa naganap na aksidente ay makikipag-areglo na lang para bayaran ng kaawa-awang driver ang nagpanggap na nabundol.
Kung titingnan kasi, walang masyadong enforcer o kahit na pulisya sa ilang mga lugar. At kung mayroon man, kakaunti lamang sila para makita at agad rumesponde sa totoong naganap na insidente. Mabuti lang kung mayroong CCTV sa lugar o kaya nahuli ng dashcam ng kasunod na sasakyan at maire-report ang nangyari.
Panawagan natin sa kinauukulan na dagdagan sana ang mga idine-deploy na mga traffic enforcer gayundin ng mga otoridad sa lansangan, lalo na doon sa mga lugar na prone sa aksidente at mga krimen. Madalas kasi magtatalaga lamang kayo ng mga tauhan kung may mga nakatakdang okasyon o rally sa mga kalsada. Hindi ba’t trabaho ninyong bantayan at protektahan ang mga mamamayan laban sa mga masasamang loob o kriminal?
Payo natin sa mga motorista na dapat ay maging alisto tayo sa ganitong uri ng modus dahil minsan hindi natin namamalayan na posibleng nakotongan na tayo ng kung sino lang, kaya dapat alerto tayo. Kailangan ding alam natin ang mga ipinatutupad na traffic rules and regulations para hindi tayo mabiktima. Gayundin, palagi nating tatandaan na dapat na maging maingat sa ating pagmamaneho.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments