Mga Manileno, nabiktima na nga ng bagyo at Habagat, niraket pa!
- BULGAR
- Jul 29, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 29, 2024

SA GITNA NG UNOS, IPINAKITA NINA BULACAN GOV. FERNANDO AT VG CASTRO ANG HUSAY SA PAGLILINGKOD -- Sa panahon ng pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat ay nakita ng publiko ang kahusayan nina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro sa paglilingkod kasi kahit lampas tao na ang baha ay lumabas sila ng kanilang mga tahanan. Si Gov. Daniel ay pinamunuan ang command center at si VG Alex ang siya namang namuno sa rescue operation, at pagkaraan ay agad nagdeklara ang Bulacan governor ng state of calamity sa lalawigan na sinuportahan naman ng Sangguniang Panglalawigan sa pamumuno ng bise gobernador upang makapaglabas agad ng pondo na ibibigay sa mga kababayan nilang apektado ng kalamidad.
Kung ang lahat ng gobernador at bise gobernador ay tulad nina Gov. Daniel at VG Castro, tiyak na hindi kakaba-kaba ang mamamayan sa panahon ng may matinding kalamidad kasi alam nila na may mga lider sila na nakatutok sa kanila kung paano sila ililigtas at bibigyan ng ayuda sa gitna ng unos, period!
XXX
MGA TAGA-MAYNILA, NABIKTIMA NA NGA NG BAGYO AT HABAGAT, NIRAKET PA NINA ‘BOY ABANG’ AT ‘LORNA’ -- Matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat, may impormasyon na nagbahay-bahay ang mga kubrador sa bookies at lotteng nina “Boy Abang” at “Lorna” pero hindi para magbigay ng tulong sa mga taga-Maynila, kundi para magpataya sa mga raket na illegal gambling ng dalawang gambling lords na ito.
Dapat ipa-‘tokhang’ na ni Mayora Honey Lacuna sina “Boy Abang” at “Lorna” kasi nabiktima na ng bagyo ang mga taga-Maynila, niraraket pa ng dalawang gambling lords na ito, tsk!
XXX
FAKE NEWS ANG POST SA SOCIAL MEDIA NA WALA NG MGA BODYGUARD SI VP SARA -- Sa kabuuang 433 security escorts ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, 75 dito ay mga pulis at ang 358 ay mga sundalo at dahil kulang ang mga otoridad na nagpapairal ng peace and order sa bansa ay hiniling ni PNP chief Gen. Rommel Marbil sa bise presidente na maitalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang 75 pulis na sinang-ayunan naman ng bise presidente.
Ibig sabihin niyan ay fake news ang pinu-post sa social media ng mga DDS vlogger na wala ng mga bodyguard si VP Sara kasi meron pa rin siyang 358 security escorts, period!
XXX
DAHIL SA SMUGGLING NINA ‘GERRY TEVES’ AT ‘LEAH CRUZ’ , TATAAS NA NAMAN ANG PRESYO NG KARNE AT GULAY -- Pagkatapos ng pananalasa ng bagyo at habagat ay agad nagbalik sa kanilang raket na smuggling sina “Gerry Teves” (smuggler ng karne)
at “Leah Cruz” (smuggler ng gulay).
Dahil diyan, asahan nang sa mga susunod na araw, tataas na naman ang presyo ng mga karne ng baboy at baka, at mga gulay, nakupo!
Comments