Mga mambabatas, ‘nganga’ na matulungan ang mahihirap, tsk!
- BULGAR
- Mar 26, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | March 26, 2021
Wala gaanong kilos ang mga mambabatas para masaklolohan ang ordinaryong mamamayan na gumagapang na sa hirap.
Mahigit nang isang taong walang trabaho ang mga obrero!
◘◘◘
NAGSIPAGSARA na naman ang maliliit na negosyo na pineste sa mga disconnection order ng water at electricity distributors.
Saan tatakbo ang mga naghihikahos?
◘◘◘
NAGTATAKA tayo kung bakit hindi tinatalakay ng Kamara ng mga Representante ang panukalang batas na magkakaloob ng tig-P10, 000 ayuda sa bawat pamilyang Pinoy na apektado ng pandemic.
Nagtataingang-kawali ang House Committee on Social Services.
Bakit kaya?
◘◘◘
INIHAIN ang naturang panukalang batas ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista na nagsusulong ng “Call to Action” Balik sa Tamang Serbisyo.
Hindi kaya nadadamay sa maruming pulitika ang naturang panukalang-batas?
Huwag naman sana, kaawa-awa ang mga nagdurusa sa panahon ng krisis!
◘◘◘
SA isang Facebook post na makikita ngayon sa iba’t ibang social media platforms, sinabi ni Mang Roderick Oborza, isang jeepney driver na malaking tulong ang P10K na matatanggap ng bawat pamilyang Pilipino para makaagapay lalo na ngayong mas dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
May mga balita pa nga, na may LGUs ang magpapatibay ng resolusyon bilang suporta sa P10K ayuda bill!
◘◘◘
AYON kay Cayetano ay may pondo ang gobyerno para rito.
Kailangan ng magmadali ng ating mga opisyal ng gobyerno para maabatan ang patuloy na matinding epekto ng pandemya sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Kakambal ang panukalang-batas na ito sa Bayanihan 1 at 2 noon 2020 sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Cayetano!
◘◘◘
PULITIKA pa rin ba ang dahilan kaya hindi kumikilos ang Kamara para dinggin ang P10K ayuda bill?
Nagsalita na rin ang mga kaalyado ni Cayetano na kasama niyang naghain ng P10K ayuda bill tulad ni Camarines Sur Cong. LRay Villafuerte, Batangas Cong. Raneo Abu, Laguna Cong. Dan Fernandez, Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado at Cong. Mike Defensor!
◘◘◘
AYON kay Villafuerte, ang P10K ayuda ay iikot sa ekonomiya ‘yan, ipambibili ng pagkain, gamot at gagamitin ito sa transportasyon.
Malaking tulak ito para muling sumigla ang ating ekonomiya.
Sinabi naman ni Fernandez na magagamit ng maraming pamilya ang P10K ayuda bilang pamuhunan sa kahit na anong maliit na negosyo!
◘◘◘
NILINAW ni Alvarado, na bagong pag-asa ang hatid ng P10K ayuda sa ating mga kababayan na lugmok pa rin hanggang ngayon dahil sa pandemya.
Iginiit naman ni Abu na ang matinding sakripisyo at paghihirap ng mga Pilipino ang dahilan kaya inihain ng kanilang grupo ang naturang panukala!
◘◘◘
SA totoo lang, hindi dapat nadadamay sa maruming pulitika sa Kamara ang panukalang-batas na makatutulong sa ordinaryong mamamayan.
Tumataas ang bilang ng mga tao na tinatamaan ng COVID, pero bakit itinetengga ang batas para masaklolohan ang mga pobreng biktima?
Tsk, tsk, tsk!





Comments