Mga mamamahayag, dapat manindigan para sa katotohanan
- BULGAR

- Aug 26
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 26, 2025

Mahalaga na magkaroon ng paninindigan ang media. Ang isang mamamahayag ay mayroong pangunahing misyon ito ang maging tagapaghatid ng katotohanan, hindi tagapagtakip ng kasinungalingan.
Kaya’t naglabas ng pahayag ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) laban sa tinatawag na paid favorable coverage, dahil malinaw na kapag ang pera ang naging batayan ng balita, unti-unting namamatay ang kredibilidad ng pamamahayag.
Ayon sa NUJP, ang pagtanggap ng kabayaran para sa magandang coverage ay hindi
simpleng isyu ng trabaho, isa itong direktang banta sa press freedom.
Nawawasak ang tiwala ng publiko, at napapaisip ang lahat na parang nabibili na lamang ang katotohanan. Ang media na dapat sana’y bantay laban sa katiwalian, nagiging kasangkapan pa para ito’y takpan.
Binigyang-diin ng NUJP na panahon na upang muling balik-balikan ng bawat mamamahayag ang Journalists’ Code of Ethics.
Sa kabila ng hindi kataasang sahod at hirap ng trabaho, hindi dapat maging dahilan ang pangangailangan para isuko ang prinsipyo.
Sa gitna ng kontrobersiyang kinasangkutan ng ilang broadcaster na umano’y tumanggap ng milyon kapalit ng paborableng panayam sa mag-asawang kontraktor ng flood control project, muling nabuhay ang tanong kung hanggang saan ba ang etika sa industriya.
Bagama’t itinanggi ng mga sangkot ang akusasyon, nananatiling leksyon ang pangyayaring ito na hindi lahat ng maganda sa paningin ay likas na totoo.
Kung tutuusin, hindi lang ito usapin ng mga indibidwal na mamamahayag. Malaki rin ang papel ng media companies na mabigyan ng sapat na sahod at benepisyo ang kanilang mga kawani.
Hindi matatawaran ang katotohanan na mahirap magtaguyod ng integridad kung gutom ang tiyan at hirap ang bulsa. Kaya’t kung seryoso ang industriya sa pagpapairal ng etikal na pamamahayag, dapat sigurong magsimula ito sa maayos na kompensasyon at mga benepisyo sa bawat mamamahayag.
Ang propesyon ng pamamahayag ay trabahong may tungkulin sa bayan. Gayundin, ang tinig ng media ay dapat magsilbing liwanag, hindi anino.
Kung gusto nating manatiling malaya ang pamamahayag, dapat nating igalang at ipaglaban ang etika. Alalahanin din natin na hindi mababayaran ng kahit anong halaga ang tiwala ng publiko.
Ang tunay na gantimpala ng isang mamamahayag ay hindi sa kapal ng sobre, kundi sa tapang na harapin ang tukso, dahil para sa kanya mas mahalaga ang paninindigan kaysa tanggapin ang pansamantalang kaginhawaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments