Publiko, di dapat kanlungin ang mga akusado sa flood control scam
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 26, 2025

Malinaw na ang pagtulong o pagsaklolo sa mga taong tumatakas sa batas ay hindi kabayanihan, kundi tahasang pagbaluktot ng hustisya.
Kaya tama lang na pinaigting ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang malawakang manhunt laban sa mga akusadong sangkot sa umano’y P289 million flood control scam sa Oriental Mindoro.
Sa pahayag ni Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., acting PNP chief, na maliwanag ang kanilang babala na sa sinumang kumanlong, kumupkop, magtago o tumulong sa mga akusado ay may kaparusahan. Ito ay pagpapatupad ng batas sa harap ng kasong may bigat at epekto sa taumbayan.
At lalo pang tumindi ang panawagan ng mga otoridad matapos maaresto ang ilang opisyal ng Department of Public Works ang Highways (DPWH), kabilang ang isang engineer na nakuha sa bahay na pag-aari umano ng isang pulitiko mula sa Mindoro.
Sa ngayon, pitong co-respondents ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang nasa kustodiya na ng pulisya. Ang natitira pang mga akusado ay hinahabol at hinihikayat na sumuko para harapin ang kaso.
Inanunsyo rin ng NBI ang pagkakaaresto naman sa isang opisyal ng DPWH, sa Quezon City matapos umano itong umiwas sa warrant of arrest sa Cavite.
Ayon kay NBI OIC Angelito Magno, iniimbestigahan na nila kung sinu-sino ang posibleng tumulong sa suspek para makatakas. Iginiit din ng NBI na ang sinumang magtangkang magkubli ng kriminal ay lumalabag sa batas at papanagutin.
Kasabay nito, nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang pagtatago ng akusado ay may kaakibat na kaparusahan, habang patuloy ang kanilang panawagan na sumuko na ang mga akusado bago pa man humantong sa habulan.
Ang ugat ng problema ay hindi lang ang ninakaw na pondo sa mga programa at proyekto ng ating bansa. Ang mas malalim na sakit ay ang kultura ng pagtatanggol o pagtatakip sa mga kriminal, mga opisyal na nagkukubli, mga indibidwal na tumutulong para itago ang mga tiwali, at sistemang ginagawang ligtas ang dapat sana ay managot.
Hindi makakamtan ang tunay na hustisya kung patuloy na may mga taong nagpapanggap na mabuti para pagtakpan ang kasalanan ng iba. Kung may inaasam tayong pagbabago, dapat simulan sa malinaw na prinsipyo, walang sinuman — opisyal man, pulitiko o pribadong indibidwal, ang dapat kumampi sa kriminal.
Ang pagpapatupad ng batas ay hindi lamang trabaho ng mga ahensya, kundi obligasyon ng bawat Pinoy na huwag maging kakutsaba ng katiwalian.
Kung gusto nating wakasan ang mga anomalya, dapat pigilan hindi lang ang mga magnanakaw, kundi pati ang mga nagtatanggol sa mga akusado.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments