top of page
Search
  • BULGAR

Mga magsasaka, wala nang kinikita… Galaw-galaw naman DA!

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | November 12, 2021


Noong nakaraang linggo ay nagkaroon ng pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang badyet ng Department of Agriculture sa susunod na taon. At tayo ay nagkaroon ng pagkakataong itanong kung ano na nga ba ang ginagawang hakbang ng DA upang matulungan ang ating mga magsasaka na halos wala nang kinikita pagdating ng anihan dahil sa mataas na presyo ng pataba?


Kinakailangang magkaroon ng kongkretong hakbang ang DA kung paano haharapin ang mataas na presyo ng fertilizer bago natin aprubahan ang kanilang budget. Hiniling natin sa kanila na isumite sa komite ang kanilang action plan upang makapagbigay ang ating pamahalaan ng murang organic at inorganic fertilizer bago pa man pag-usapan ang budget sa plenaryo.


We need to come up with more progressive and proactive measures, particularly on the issue of fertilizers because our farmers have been suffering due to high prices of fertilizers.


Totoong tumataas ang presyo ng pataba sa pandaigdigang pamilihan. Subalit, higit na mas mataas ang presyo ng pataba sa atin kumpara sa ibang bansa.


Nitong mga nakaraang araw ay nakausap natin ang mga magsasaka sa Cagayan Valley, Isabela at maging sa Nueva Ecija at talagang umiiyak na sila sa mataas na presyo ng abono. Ang urea na dating P800 hanggang P900 kada 50 kilograms ay nagkakahalaga na ng P1, 800 hanggang P2, 000.


Ano ba ang ginagawang hakbang ng DA para maibaba ang presyo ng abono? Anong sasabihin natin sa mga magsasaka para matulungan sila?


Dapat din siguro makipag-ugnayan na ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI) para makontrol ang presyo. Magkakaiba umano ang presyo sa iba’t ibang stores sa iba’t ibang probinsiya. At sa ilalim ng Agri-Agra Law, tax-free ang importasyon ng fertilizer. Walang VAT. Lalo na kung kooperatiba ang mag-aangkat nito.


At ang voucher na ipinamimigay ng DA na nagkakahalaga ng P1, 000 ay kalahating sakong urea na lamang ang mabibili.


Gayundin, suportahan natin ang isinusulong ni Committee on Agriculture chairperson Sen. Cynthia Villar na lokal na produksiyon ng organic fertilizer. Dapat mag-allocate ang DA ng P1 bilyon para sa pamamahagi ng composting machines sa mga magsasaka sa buong bansa. Pero ito ay inisyatiba ng mga pribadong indibidwal. Dapat may programa ang gobyerno.


Noon ay meron tayong locally-produced fertilizers sa pamamagitan ng Philippine Phosphate Fertilizer Corporation. Pero naisapribado na ito noong 2000. Ang dami nating materyales para sa organic fertilizers, pero wala tayong programa.


Buhayin natin ang local fertilizer industry. Gawan natin ng incentive packages ang local production ng fertilizer. Siguro, hilingin natin sa Fertilizer and Pesticide Authority kung ano ang rekomendasyon nila para buhayin natin ang local production. Tayo ay agriculturist, subalit kailangan ang tulong ng mga departamento ng ating pamahalaan upang magbigay-direksiyon sa kanila.


Kaya ang mungkahi natin ay aprubahan sa committee level ang budget ng DA na may colatilla na magsumite sila ng malinaw na action plan kung ano’ng mga hakbang na gagawin para matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng abot-kaya — inorganic man o organic — ang fertilizer, bago makuha ang budget nila sa plenary.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page