top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

NAHIHINAAN BA SI SP CHIZ SA MGA LAMAN NG IMPEACHMENT COMPLAINTS KAY VP SARA KAYA PINAYUHAN ANG MGA CONG. NA MAGHANAP PA NG EBIDENSYA? -- Pinayuhan ni Senate President Chiz Escudero ang mga kongresista na mas asikasuhin ang paghahanap ng mga karagdagang ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte kaysa apurahin ang Senado na isalang na sa impeachment trial ang bise presidente.


Naku, tila nahihinaan si SP Escudero sa mga ebidensyang nakapaloob sa mga impeachment complaints na isinampa kay VP Sara kaya pinahahanap pa niya ng karagdagang ebidensya ang mga cong., period!


XXX


EX-P-DUTERTE PASIMUNO RAW SA PAGPAPAKALAT NG FAKE NEWS SA ‘PINAS, AYON SA MALACAÑANG -- Itinanggi ng Malacañang ang sinabi ni ex-P-Duterte na kaya raw nais ipa-impeach ang kanyang anak na si VP Sara ay dahil may plano raw si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magdeklara ng martial law dahil ayaw na raw nitong bumaba sa poder tulad ng ama niyang si yumaong dating Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr.


Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, hindi raw dapat pinaniniwalaan ng publiko ang sinabi ni ex-P-Duterte dahil ang dating presidente raw ang pasimuno sa pagpapakalat ng fake news sa ‘Pinas, boom!


XXX


TOTOO BANG MANINIBAK NG CUSTOMS OFFICIALS SI COMM. RUBIO O PABIDA LANG ITO SA PUBLIKO? -- Nagpasiklab si Customs Comm. Bienvenido Rubio sa kanyang statement na kapag napatunayan daw niyang may kinalaman ang ilang Customs officials sa tangkang pagbebenta ng mga smuggled na sigarilyo na worth P270 million na nakumpiska sa Port of Subic ay pagsisibakin daw niya ang mga ito sa posisyon.


Totoo ba iyang sinabi ni Comm. Rubio na may mga sisibakin siyang Customs officials na sangkot sa tangkang resale ng mga smuggled yosi o pabida lang niya ito sa publiko? Abangan!


XXX


SUNUD-SUNOD NA OIL PRICE HIKE DAPAT IMBESTIGAHAN NG MGA SEN. AT CONG. -- Ngayong araw na ito epektibo ang dagdag na naman sa presyo ng mga produktong petrolyo, sa gasolina ay P0.70 per liter ang itinaas, sa diesel ay P0.40 at sa kerosene ay P0.20. 


Panawagan sa mga senador at kongresista, na sana magsagawa sila ng imbestigasyon sa sunud-sunod na oil price hike kasi baka may mga “buwaya” sa pamahalaan ang nagkakamal, nagkakaroon ng parte sa walang puknat na taas-presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa, period!

 
 

ni Migz Zubiri - @Solve 'Yan! | January 31, 2022



Nakakaalarma ang mga nagaganap hacking sa bank accounts ng ating mga kababayan.


Noong Disyembre, humigit kumulang sa 700 depositors ang ninakawan ng pera sa BDO.


Samantala, nitong nakaraang linggo naman, marami sa ating mga guro ang nabiktima ng bank hacking. At ang mas nakakaalarma ay ang mga biktima ngayon ay nag-iimpok sa government financial institution – sa Land Bank of the Philippines.


Sa naganap na hacking sa BDO, naiulat na nahuli na ang mga nasa likod ng “Mark Nagoyo” bank hacking sa operasyon ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division sa Mabalacat, Pampanga noong Enero 18. Ang mga nalambat ng ating awtoridad ay sina Ifesinachi Fountain Anaekwe, na kilala rin bilang “Daddy Champ,” at Chukwuemeka Peter Nwadi, kapwa Nigerian; at mga kababayan nating sina Jherom Taupa at Ronelyn Panaligan, umano’y mga “utak” sa bank hacking operation bilang web developers at downloaders; at Clay Revillosa.


Ilang araw maaresto ang mga responsable sa “Mark Nagoyo” bank heist, nitong Lunes naman, Enero 24 ay nagreklamo ang ating mga guro na sila ay nawalan ng P26,000 hanggang P121,000 nang ma-hack ang kanilang LBP accounts.


Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition, 16 guro mula sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, at Mindoro ang nag-ulat na nawalan sila ng pera sa kanilang bank accounts. Ang mga perang ito ay mula sa kanilang sahod, bonuses noong nakaraang buwan o di kaya’y mga naipon mula ng sila’y magturo.


Malaking halaga ito para sa ating mga guro ang isang buwang sahod o bonus, at lalong masakit kung ang pinag-ipunan mong pera nang matagal ay mawawala nang ganun na lang.


Hinihiling natin sa LandBank ang agarang aksiyon dito. Sana ay tumulong din ang Department of Education para mabawi ng mga guro ang kanilang mga pinaghirapang kita.


Tinatawagan din natin ang E-wallet operator na GCash na agarang makipagtulungan sa mga awtoridad upang agarang makilala at maaresto ang mga utak sa krimeng ito.


Gayundin, ang Bangko Sentral ng Pilipinas upang paigtingin ang cyber-security ng mga bangko.


Sa kabila ng pinaigting na hakbang ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan laban sa ganitong mga krimen, patuloy pa rin ang mga kawatan sa kanilang mga tiwaling gawi.


Nararapat din na pagtibayin ng mga bangko at online platforms ang kanilang cybersecurity measures.


Pinaaalalahanan din natin ang ating mga kababayan na maging mapagmatyag sa kanilang mga online transactions at suriing maigi bago sumagot sa mga text messages.


O, huwag tumugon sa mga mensahe mula sa mga hindi kilalang e-mail o text messages.


Dahil sa pandemic ay marami ang umaasa sa online transactions. At dumami rin ang reklamo na sila’y nagogoyo.


Kaya tayo sa Senado, nagsusumikap na maipasa ang mga panukalang magbibigay ng proteksiyon sa ating mga kababayan laban sa hacking at panlilinlang sa online platforms, gayundin upang mapalakas ang mga regulators upang sila’y makagawa ng mabilisang aksiyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page