Mga magpaparehistro, ‘wag nang maghintay ng last minute
- BULGAR
- Oct 18, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 18, 2021
Pinalawig pa ng Commission on Elections (Comelec) ang registration hours sa Metro Manila at ilang piling lugar mula noong Oktubre 16, 2021 (Sabado).
Sa halip na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, gagawin na ito ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, habang alas-8:00 naman ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon tuwing Sabado.
Ayon sa Comelec, bukod sa National Capital Region (NCR), ipinatupad na rin ang mas mahabang registration hours sa Alcala at San Quintin, Pangasinan; Tarlac City, Capas at Concepcion, Tarlac. Kasama rin ang lahat ng munisipalidad ng Quezon; Labo, Camarines Norte; Castilla, Sorsogon; Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu sa Cebu province.
Samantala, bukas din ang pagpaparehistro tuwing Sabado sa ibang lugar, ngunit mananatili ang registration hours mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon. Kabilang dito ang Anda, Sto. Tomas at Sual, Pangasinan; Aringay, Balaoan at Caba, La Union; at Balatan, Bula, Cabusao, Goa, Lagonoy, Libmanan, Magarao, Minalabac, Ragay, Sagnay, San Fernando, San Jose, Tigaon at Tinambac, Camarines Sur.
Matatandaang sa halip na Setyembre 30 ang deadline, pinalawig ng Comelec ang voter registration ng hanggang October 30.
Magandang balita ito para sa mga nais magparehistro, lalo pa’t kahit pinalawig hanggang sa katapusan ng buwan ang registration ay dagsa pa rin ang mga kuwalipikadong botante.
Panawagan lang sa mga nagbabalak magparehistro, samantalahin ang mas mahabang oras na ibinigay ng Comelec at ‘wag nang maghintay pa ng last minute.
Sa ganitong paraan, mas makokontrol ang bilang ng mga tao at mas masusunod ang minimum health protocols sa mga registration sites.
Hiling lang natin na ‘wag umabot sa puntong tila buwis-buhay ang pagpaparehistro tulad ng nangyari noong nakaraang buwan habang papalapit ang naunang deadline.
Habang hangad nating makapagparehistro ang lahat ng kuwalipikadong botante, sana’y maging ligtas ang lahat at maiwasan hawahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments