Mga mag-aaral, sagipin sa pagkalulong sa online gambling
- BULGAR

- Jul 15, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 15, 2025

Maghahain ang inyong lingkod ng isang resolusyon upang maimbestigahan ang pagkakasangkot ng ating mga mag-aaral sa online gambling.
Bagama’t labag sa batas para sa mga mag-aaral ang magsugal, walang komprehensibong pambansang polisiya o education-based intervention ang kasalukuyang tumutugon sa pagkalat ng online at offline gambling sa mga paaralan, pati na sa mga mag-aaral.
Nakakabahala na ang mga e-wallet services na ginagamit natin ay nagiging daan para malulong ang ating mga mag-aaral sa online gambling. Pinagsamantalahan ng mga online gambling platforms ang ating mga kabataan, dahil mahina o walang sistemang gumagana para sa beripikasyon ng edad ng users. Ang mga online gambling platforms na ito ay pinagmumulan din ng entertainment o libangan na nagbibigay ng agarang kasiyahan sa ating mga mag-aaral.
Isa pang nakakabahala ay ang paggamit ng mga kabataan sa mga online gambling platforms nang hindi natututukan ng kanilang mga magulang. Kapag nakapagbigay na ang ating mga mag-aaral ng mga pangunahing impormasyon para makapag-sign up, nagkakaroon na sila agad ng access sa iba’t ibang mga promo at cash-in options.
Habang nakababad ang ating mga mag-aaral sa internet, kabilang ang iba’t ibang mga website at social media platforms tulad ng Facebook, TikTok, X, at Instagram, samu’t saring mga advertisements ang nakikita nila. Kaya naman mas lalo silang naeengganyong gumamit ng mga online gaming platforms.
Una nang nagbabala ang World Health Organization na ang gambling disorder o pagkalulong sa sugal ay isang behavioral addiction. Matindi rin ang mga pinsalang maaaring idulot nito tulad ng madalas na pagliban sa paaralan, mga problema sa mental health, at patuloy na pagkalulong sa sugal.
Naninindigan tayo na kailangang mapigilan natin ang pagkalulong ng ating mga mag-aaral sa online gambling. Ngayon pa lang ay sugpuin na natin ang problema bago pa ito lumala. Sa gagawin nating pag-imbestiga o pagsusuri, layunin nating magrekomenda ng mga polisiya upang mabigyan ng proteksyon ang mga mag-aaral mula sa adiksyon sa online gambling, pati na rin ang iba pang uri ng mga sugal.
Inihain din ng inyong lingkod ang isang panukalang batas para sa mahigpit na regulasyon ng online gambling. Sa ilalim ng ating panukala, hindi dapat bababa sa P10,000 ang cash-in ng mga nais sumabak sa online gambling. Layon ng ating panukalang batas na mapigilan ang madaling pag-access sa mga online gambling platforms.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments