Mga mabubuting pari na bunga ng Seminaryo ng San Jose
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 26, 2025

Msgr. Jose Menphin, Msgr. Jose Jovellanos, Fr. Ben Villote, Msgr. Antonio Benedicto, Msgr. Antonio Mortillero, Msgr. Clemente Lopez, Msgr. Nico Bautista, Msgr. Jose “Jing” Silverio at napakarami pang hindi ko maalala sa ngayon. Sila ang ilan lang sa mga naging kilalang paring nagtapos sa Seminaryo ng San Jose. Mga mabubuti, magigiting at banal na pari na naging haligi ng kani-kanilang mga diyosesis. Nakilala at nakasama natin ang karamihan sa kanila noong batang pari pa lang ako, na ang mga ito ay bumalik na sa tahanan ng Ama.
Sina Bishop Honesto Ongtioco (Cubao), Bishop Teodoro Bacani, Cardinal Gaudencio Rosales, Cardinal Quevedo OMI, Cardinal Chito Tagle, Cardinal Ambo David, ay mga kilalang pinuno ng simbahan na galing sa Seminaryo ng San Jose. Buhay pa silang lahat, retirado ang ilan, ngunit aktibo pa rin. Marami pang kabutihang magagawa ang mga aktibo, at inaasahan sila ng marami lalo na sa kasalukuyang krisis na pinagdaraanan natin.
Wala ang mga nabanggit na kardinal sa pagdiriwang ng ika-96 na Alumni Homecoming ng Seminaryo ni San Jose, ngunit naroroon sina Obispo Nes Ongtioco, retiradong Obispo ng Diyosesis ng Cubao, Obispo Marvin Maceda ng Diyosesis ng Antique at Obispo Ted Bacani, retired na Obispo ng Novaliches.
Si Obispo Ted Bacani ang nagbigay ng pagninilay noong nakaraang Huwebes ng hapon. Sa kanyang pagninilay sa temang “Josefino Iisa Tayo sa Isang Kristo”, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa hindi lang sa salita kundi sa buhay. Ano ang pinagmumulan ng pagkakaisa ng mga pari? Walang iba kundi ang pagsunod, pagiging malapit ng mga pari kay Kristo. Kung si Kristo ang nasa sentro ng buhay ng pari at ganoon ang lahat ng pari hindi maaaring magkawatak-watak at mag-away-away ang mga ito. Nagbigay ng mga halimbawa si Bishop Ted ng mga paring hindi nagtutulungan, hindi nagsusuportahan. Meron ding mga paring nagsisiraan at nagtsitsismisan tulad ng karaniwang tao. Ngunit maiiwasan ito kung babalik at muling magiging malapit ang mga pari sa Panginoong Hesu Kristo.
Kinagabihan sa hapunan at programa, nagkasama-sama ang mga magkakaeskwela. Sa anim na magkakaeskwela sa Batch 82, dalawa lang kami ni Padre Edwin Mercado ng Maynila ang nakarating. Wala roon sina Padre Jun Aris ng Bukidnon, Bobboy Colon ng Butuan at Cardinal Chito Tagle na ngayon ay nasa Roma na.
Wala na ang pang-anim naming kaeskwela, si Danny Bermudo na namatay bago mag-COVID 19 noong Pebrero 2020. Puti ang buhok ni Padre Edwin. Ako naman ay walang buhok dahil araw-araw ay inaahit ko. Sa paligid namin napakaraming mga dating kasama sa seminaryo na nagpuputian na rin ang mga buhok. Marami-raming mga batang pari na puno ng sigla at pag-asa.
Sa misa kinabukasan, napuno ang kapilya ng seminaryo ng mga pari. Namuno sa misa si Padre Elmer Dizon ng Pampanga. Si Padre Rey Raluto naman ng Cagayan de Oro ang nagbigay ng omeliya. Taimtim na nakinig, nagdasal at nakiisa ang lahat sa pagdiriwang ng Eukaristiya. Nasa puso ng lahat ang pagninilay ni Obispo Ted Bacani tungkol sa pagiging isa kay Kristo na siya ring daan upang magtulungan, magmahalan at magkaisa ang lahat ng pari.
Bago matapos ang misa, ipinagdasal ng lahat ang mga yumaong ‘Josefino’. Ipinakita sa screen ang mga mukha ng mga kapatid naming nauna. Napansin kong naglalabas ng mga panyo ang ilang pari. Ganoon din ang ginawa ko dahil kusang dumaloy ang luha sa aking mga mata. Marami sa mga mukha ng pumanaw ay nakasama, nakatrabaho at naging kaibigan ngunit wala na sila.
Marami sa kanila ay nanatiling simple at dukha. Namumukod tangi si Padre Ben Villote na lagi nating dinadalaw noon sa kanyang Dambanang Kawayan at sa Sentro ng mga Migrateng Kabataan. Tahimik, malalim, makatang tapat na disipulo ni Kristo at lingkod siya ng sining. Laging masaya ang mga misa ni Padre Ben Puno ng musikang Pilipino at ang magandang halo ng ebanghelyo at makabayang pagninilay.
Naalala ko rin si Padre Tony Benedicto na siyang nagpasok sa akin sa Seminaryo ng San Jose. Barkada ng aking ama si Padre Tony. Masayahin at batikan na taga-omeliya si Padre Tony tuwing Siete Palabras sa telebisyon. Siya ang nagtayo ng kauna-unahang simbahan sa aming parokya sa Barangay Tugatog sa Malabon. Doon din naganap ang aking pinakaunang misa. Matagal kaming nagsama sa seminaryo nina Kardinal Ambo at Chito. Kaeskwela natin si Kardinal Chito at dalawang taon ang agwat namin ni Kardinal Ambo.
Mabilis ang pagtakbo ng panahon. Tumatandang unti-unti ang mga anak ni Tata Jose (San Jose). Dalawa na sa aking kasabayan ay kardinal at senyales na tumatanda na talaga tayo na kasing tanda ko na rin si Papa Leo XIV. Ngunit aanhin mo ang pagtanda kung wala ka namang pinagkatandaan?
Sana, kaming mga anak ni San Jose ay matulad sa kanyang anak na tumawag sa aming ibigay ang buong buhay namin sa paglilingkod sa kapwa, sa bayan at sa Kanya! Maraming salamat Seminaryo ng San Jose!








Comments