Mga mabibiling sasakyan ng kapulisan, gamitin sana sa tama
- BULGAR
- Sep 20, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Sep. 20, 2024

Good news ang naghihintay para sa ating kapulisan.
Aprub na kasi sa Department of Budget and Management (DBM) ang kahilingan para sa P396.374 milyong pondo sa pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng humigit-kumulang 402 units ng mga motor vehicle.
Sa isang pahayag ng kagawaran, sinabi nitong inaprubahan na ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Authority to Purchase Motor Vehicles (APMV) noong September 10.
Ayon sa DBM, ang approved budget para sa pagkuha o acquisition ng motor vehicles ay sisingilin sa Specific Budget ng PNP sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.
Ang naturang pondo ay gagamitin sa pagbili ng mga 40 patrol jeep 4x2, 115 personnel carrier 4x4, 40 light transport vehicles, 10 PNP vans, 183 light motorcycles at 14 EOD vehicles, anang DBM.
Sinabi naman ni Pangandaman na sinusuportahan ng kagawaran ang mga hakbangin na naglalayong palakasin ang kakayahan ng PNP. Lubos din silang naniniwala na ang isang well-equipped na police force ay nasa mas mabuting posisyon sa pagtataguyod ng kaligtasan ng publiko.
Aniya pa, sa pag-acquire ng mga naturang motor vehicle ng mga pulis ay ang mga kababayan din ang makikinabang.
Mainam na may mga bagong sasakyang magagamit ang ating mga kapulisan habang sila ay naka-duty at nagbabantay sa ating kapaligiran.
Dahil sa mga behikulong ito ay mas madali nilang matutunton sakaling may nangyayaring krimen sa isang lugar.
Gayundin, agad silang makakapagresponde sa pinangyarihan gamit ang mga biniling motorcycle, patrol jeep, vans at iba pa.
Kumbaga, hindi na sila mahuhuli pa at mas mabilis na ang pagtugon nila sa anumang insidente.
Paalala sa ating mga kapulisan na ang mga naturang sasakyan ay gamitin lamang sana sa tama, at para sa kaayusan at kabutihan ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commentaires