Mga maagang nagsa-shopping, mag-ingat!
- BULGAR
- Dec 2, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 02, 2021
Sa pagpasok ng Disyembre, talagang palapit na ang Kapaskuhan.
Kaya naman, may mangilan-ngilang nagsa-shopping ng mga panregalo sa kanilang mga mahal sa buhay at inaanak sa Divisoria, na dinaragsa ng maraming mamimili tuwing holiday season.
Bagama’t hindi pa bukas ang lahat ng tindahan sa isang kalye sa Divisoria, maaga pa ring namili ang ilan dahil ayaw maabutan ng init at dagsa ng mga tao.
‘Yun nga lang, kapansin-pansing may mamimili at nagtitindang hindi naka-facemask o nakababa ang suot na facemask. Gayundin, walang naninita sa mga hindi naka-facemask.
Habang magandang balita na puwede nang makapamili at makalabas ang marami nating kababayan ngayong Kapaskuhan, paalala lang natin na ‘wag kalimutan ang health protocols, lalo na kung nasa pampublikong lugar.
Isa pa, ngayong may bagong variant ng COVID-19, wala pa man nito sa bansa, kailangan pa ring doblehin ang pag-iingat at pairalin ang disiplina sa lahat ng oras. ‘Ika nga, kasabay ng paglabas ay ang obligasyong maging maingat, hindi lamang para sa sarili kundi para sa nakararami.
Huwag hintaying masita bago pa sumunod sa health protocols, kumbaga ay magkusa na lang.
Gayundin, hindi porke bakunado ay makakampante na. Tandaan, bakunado man o hindi ay puwedeng tamaan ng virus, kaya mag-ingat pa rin.
Isa sa mga pakiusap natin ay iwasang magsama ng mga bata sa pamilihan. Hindi natin alam kung kailan biglang daragsa ang mga tao, kaya mabuti nang nasa bahay na lang ang mga bata.
Bukod sa mga programa ng gobyerno upang labanan ang pandemya, ito ang higit na kailangan para sa kaligtasan ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments