Mga LGUs, pabor na sa MGCQ!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 20, 2021
DAPAT SIBAKIN NA NI P-DUTERTE SINA GALVEZ AT DUQUE—Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, naiinip na raw si P-Duterte dahil hindi pa dumarating sa Pilipinas ang mga bakuna kontra COVID-19 na ipantuturok sa mga Pinoy.
Ganun? Sana ay sibakin na niya sina Vaccine czar, ret. Gen. Carlito Galvez at Health Sec. Francisco Duque III kasi ang pagkaantala ng pagdating sa Pilipinas ng mga bakuna ay patunay na inutil sa puwesto ang dalawang opisyal na inatasan ni P-Duterte na umangkat ng mga COVID-19 vaccines, period!
◘◘◘
HUWAG SANANG MAGKATOTOO ANG BABALA NG MGA HEALTH EXPERTS NA MARAMING TATAMAAN NG VIRUS SA MGCQ—Pabor ang mga alkalde sa Metro Manila na ipairal na ang MGCQ (Modified General Community Quarantine) sa Kalakhang Maynila, at sa parte ng IATF, nais nitong ipairal na ang MGCQ o pagluluwag sa buong bansa.
Pambihira, wala pa ngang bakuna, gusto na nilang hayaang lumabas ng bahay ang lahat ng tao at wala nang sita-sita saanman magtungo.
Huwag sanang mangyari ang babala ng mga health experts na marami na naman ang tatamaan ng virus kapag nag-MGCQ na sa buong bansa kasi kapag nangyari ‘yan, eh, panandalian lang pala ang saya, dahil baka magbalik-lockdown o ECQ na naman ang buong bansa, buwisit!
◘◘◘
ROQUE NAGING SPOX LANG, AROGANTE NA—Tinanong ng mamamahayag si Presidential spokesman Harry Roque kung ano ang masasabi ng Malacañang sa napaulat na naging masaya si detenidong Sen. Leila de Lima sa pagkaka-absuwelto ng isa sa tatlong kaso nitong may kaugnayan sa drug trafficking at ang tugon ni Roque ay hinaluan na naman ng pagkataklesa nang sabihin niyang bakit nagse-celebrate na ang senadora, nakakulong pa naman daw ito.
Hay naku, naging presidential spokesman lang si Roque, sumobra na ang yabang sa katawan, pwe!
◘◘◘
MAGALING DAW ANG UTAK NI P-DUTERTE, PERO SA DATOS, PILIPINAS ANG KULELAT SA LABAN SA COVID-19 AT KULELAT DIN SA PAG-AHON NG EKONOMIYA—Ayon kay Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, pagkatiwalaan ang kagalingan ng utak ni P-Duterte.
Kung magaling, bakit sa datos ng ASIAN Studies Centre ay sa mga bansa sa Asya ay kulelat ang Pilipinas sa pagtugon sa COVID-19, sa report ng Moody’s Analyctic ay panghuling makakaahon ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga bansa sa Asia-Pacific , at baon na sa utang ang bansa, pero hanggang ngayon ay wala pa rin ang mga bakuna? Boom!





Comments