Mga kumpanyang nasasangkot sa anomalya, ipagbawal lumahok sa mga gov’t. project
- BULGAR
- 10 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 28, 2025

Nakatakdang maghain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas, kung saan ipagbabawal na makilahok sa mga government project, kabilang ang flood control at iba pang imprastraktura ng pamahalaan, ang mga kumpanyang dating pagmamay-ari ng mga pulitiko.
Sa ating panukala, ang mga kontratista o kumpanyang dating pagmamay-ari ng mga pulitiko ay hindi na natin pahihintulutang magkaroon ng kontrata mula sa pamahalaan.
Kung maisabatas ang bill na ito, inaasahang magdudulot ito ng malawakang reporma, hindi lamang sa pagsugpo ng korupsiyon, kundi pati na rin sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno. Kung tutuusin kasi, ginagawang palusot ng ilang pulitiko na nag-divest na sila sa kumpanya para sabihing wala na silang kinalaman sa operasyon nito at puwede na silang makilahok uli sa anumang government project.
Kung babalikan din natin ang mga ulat nitong mga nakaraang araw, may ilang mga pulitikong nagsisilbing mga kontratista para sa mga infrastructure project na pinopondohan ng gobyerno. Nakakabahala ito dahil nababalot na ng kontrobersiya ang paghahanda para sa 2026 national budget dahil sa conflict of interest at korupsiyon sa gobyerno.
May mga nakikita rin tayong ulat, kung saan ang mga pulitiko ay nadadawit o nasasangkot sa mga ghost project o iyong mga tinatawag nating ‘ampaw’ projects. Tulad ng marami sa ating mga kababayan, naniniwala akong kailangan nating suriin kung ano ang koneksyon nila sa mga anomalyang ito. Sa ngayon, umaabot sa mahigit siyam na libo ang mga flood control project. Wala pa riyan ang ibang infrastructure projects tulad ng mga kalsada, highway, at iba pa.
Aminado ang inyong lingkod na malaking hamon ang pagsasabatas ng ating panukala, ngunit habang hindi pa ito nagiging ganap na batas, magsusulong pa rin tayo ng ilang mga hakbang upang protektahan ang buwis ng mga kababayan. Halimbawa nito, ang paglalagay ng isang special provision sa national budget, kung saan ipagbabawal natin ang pakikilahok sa mga proyekto ng pamahalaan ang mga kumpanyang nasasangkot sa anomalya.
Hindi lamang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways ang saklaw ng ating panukala. Kabilang dito ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno. Kung hindi natin mapipigilan ang mga maanomalyang kontratistang ito, patuloy nilang pagkakakitaan ang ating mga kababayan at hindi natin ito dapat pahintulutan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments