ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 29, 2024
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako sa isang kumpanya. Nagkaroon ako ng kaso dahil ako ay nahuling natutulog sa oras ng trabaho. Sinabi sa akin ng aking amo na “preventively suspended” diumano ako dahil pinag-aaralan pa nila ang nasabing kaso. Ano ba ang ibig sabihin ng “preventive suspension” at maaari bang ipatupad ito dahil sa kaso ko na pagtulog sa trabaho? — Ren-Ren
Dear Ren-Ren,
Ang preventive suspension sa isang empleyado ay nakasulat sa Seksyon 3 at 4, Rule XIV, ng Omnibus Rules Implementing The Labor Code, na nagsasaad na:
“SECTION 3. Preventive suspension. — The employer may place the worker concerned under preventive suspension if his continued employment poses a serious and imminent threat to the life or property of the employer or of his co-workers.
SECTION 4. Period of suspension. — No preventive suspension shall last longer than 30 days. The employer shall thereafter reinstate the worker in his former or in a substantially equivalent position or the employer may extend the period of suspension provided that during the period of extension, he pays the wages and other benefits due to the worker. In such case, the worker shall not be bound to reimburse the amount paid to him during the extension if the employer decides, after completion of the hearing, to dismiss the worker.”
Sa nasabing batas, malinaw na nakasulat na ang employer ay may karapatan na ilagay ang isang empleyado sa preventive suspension kung ang kanyang patuloy na pagtatrabaho ay magdudulot ng seryoso at napipintong banta sa buhay o ari-arian ng kanyang employer o mga katrabaho.
Kung ang isang empleyado ay ilalagay sa preventive suspension, ang tagal ng suspensyon ay hindi dapat lumagpas ng 30 araw. Pagkatapos ng 30 araw, kailangang ibalik ng employer ang empleyado sa kanyang dating tungkulin. Kung lalagpas ng 30 araw ang tagal ng suspensyon ay kailangang bayaran ng employer ang sahod at iba pang benepisyo ng empleyado.
Samakatuwid, para malaman kung ang preventive suspension sa isang empleyado ay naaayon sa batas, kailangang tingnan ang dalawang bagay: una, kailangang mayroong seryoso at napipintong banta sa buhay o ari-arian ng kanyang employer o mga katrabaho. Ikalawa, kailangang hindi lumagpas ng 30 araw ang nasabing suspensyon ng apektadong empleyado.
Base sa iyong naibigay na impormasyon, maaaring hindi tama ang paglagay sa iyo sa preventive suspension ng iyong employer. Ayon sa iyong kuwento, ang rason sa nasabing suspensyon ay dahil pinag-aaralan pa diumano nila ang kaso mo na pagtulog sa oras ng trabaho. Ang nasabing rason ay maaaring hindi makatwiran dahil wala namang maidudulot na seryoso at napipintong banta sa buhay o ari-arian ng iyong employer o mga katrabaho ang iyong patuloy na pagpasok sa trabaho. Maliban na lamang kung may iba pang dahilan ang iyong employer na kinakailangan upang maging naaayon sa batas ang pagpataw sa iyo ng preventive suspension.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários