Mga komyuter, nakahinga rin na walang taas-pasahe
- BULGAR

- 17 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 8, 2025

Sa gitna ng taas-presyo ng mga bilihin at bayarin, kasabay nito ang araw-araw na pagod sa pagko-commute, malaking ginhawa ang hatid na desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi muna magpatupad ng dagdag-pasahe sa mga tradisyunal at modern jeepneys.
Matapos ang big-time oil price rollback, malinaw na hindi ito ang panahong dapat dagdagan ang pasanin ng taumbayan, lalo na ng komyuter. Sa panahon ng patung-patong na problema, kahit maliit na bawas-gastos ay isang malaking kaginhawaan.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, ang taas-pasahe ay may direktang pagtama sa ekonomiya, mula sa presyo ng pamasahe hanggang sa galaw ng mga pangunahing bilihin. Pinagtibay pa ito ng datos mula sa Department of Economy,
Planning and Development na nagsabing ang P1 hanggang P2 na dagdag ay magtutulak pataas sa inflation sa susunod na dalawang taon. Kumbaga, ang maliit na increase sa pamasahe ay magiging malaking dagok sa bulsa ng buong bansa.
May limang rehiyon na tutol din sa taas-pasahe — Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Central Visayas at Metro Manila — mga lugar na puno ng daily commuters.
Kapag nagsalita ang mga pagod lagi sa pang-araw-araw na biyahe, ramdam ang hinaing ng masa.
Maging ang mga PUV operators ay nag-aalangan din, ayon sa pag-aaral at konsultasyon ng LTFRB. Ibig sabihin, hindi lang pasahero ang nabibigatan, pati sila, hirap na ring makipagsabayan sa galaw ng ekonomiya.
Kasabay ng freeze sa pasahe, pinalalakas naman ng DOTr at LTFRB ang Anti-Colorum Task Force. Dahil sa pagdami ng ilegal na PUVs, umaabot sa 30% ng kita ng mga lehitimong driver ang nawawala. Kaya’t tama lang na habulin ang mga kolorum at bigyang pagkakataon ang TNVS operators na magparehistro sa 17,000 slots na bukas ngayon.
Sa panahong ang piso ay parang 10 sentimo, ang pagpigil at hindi pag-apruba sa fare hike ay hindi lang desisyong pang-masa, isa itong pagkiling sa mas nakararaming mamamayan.
Hindi man ito pangmatagalang lunas, pero sa gitna ng nararanasang hirap at pagod, sapat na itong sandaling paghinga para sa mga kababayan na matagal nang naghahanap ng ginhawa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments