top of page

Mga kaso ng incest rape, palala nang palala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 30, 2024



Boses by Ryan Sison

Nakaaalarma ang ipinahayag ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa paglala ng mga kaso ng incest rape o panghahalay ng kamag-anak o kadugo. 


Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, base sa datos na ibinigay ng isang non-governmental organization (NGO) na sumusuporta sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC), nakapagtala ng nasa 500 kaso ng incest rape sa buong bansa.


Nakadagdag pa aniya, ang pagtaas din ng mga kaso ng child pornography at hindi ito dapat ipagsawalang bahala ng ating gobyerno.


Binanggit naman ni Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andre na nasa 21,423 ang aktuwal na kaso ng panggagahasa na inihain sa korte noong 2023.


Sinabi rin ni Remulla na ito ay isang epidemic proportion, kung saan ang mga tao ay tahimik lamang tungkol dito at hindi napapag-usapan, pero napakabigat na problema ito na kailangang matugunan nang mas maaga kaysa maging huli na. 


Binigyang-diin ng kalihim na kailangang magkaroon ng ‘whole government approach’ para mapigilan ang lumalalang problemang ito.


Dapat na sigurong mas tutukan ng gobyerno ang mga kaso rape o incest rape na kadalasang nagiging biktima ay mga kabataan.


Ang incest rape ay isang sexual intercourse sa pagitan ng magkakadugo o magkamag-anak. Ito iyong mga kaso kung saan naiulat na pinagsamantalahan ng ama, kuya o tito ang sariling anak, kapatid o pamangking babae, at minsan ay mayroon ding lalaki. 

Hindi naman kasi makapag-report agad ang biktima dahil siguro sa nararamdaman nilang takot o maaaring sa kahihiyan, kaya nagdadalawang-isip na magreklamo.


Gayundin, hindi nila lubos na maisip na magagawa sa kanila ng taong kinikilalang pamilya o kamag-anak ang ganitong klase ng pang-aabuso.


Panahon na marahil para pagtuunan ito nang husto ng kinauukulan. Kailangang pagtulungan ang problemang ito ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno at gumawa sila ng hakbang upang huwag nang dumami pa ang magiging biktima at talagang mapigilan ang masamang gawain.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page