Mga karapatan ng manggagawa
- BULGAR
- May 1, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 1, 2022
Isang malugod na pagbati ng “Araw ng Paggawa” sa lahat ng mga manggagawa sa loob at labas ng ating bansa. Isang pagpupugay sa atin pong lahat sa araw na ito.
Malaki ang kontribusyon ng mga manggagawa sa kaunlaran ng ating bayan. Ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa loob ng bansa ay nagbabayad ng kanilang mga angkop na buwis na ginagamit naman ng ating pamahalaan upang makalikha ng mga pampublikong paglilingkod.
Malaki rin ang naiaambag na tulong ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa ibayong dagat hindi lamang sa kanilang mga pamilya kundi sa ekonomiya ng ating bansa dahil sa mga “remittances” o banyagang salapi na kanilang ipinapadala.
Kaya naman bilang pagkilala ng estado sa ambag ng mga manggagawa sa lipunan, may mga batas tayo na sumasaklaw sa kanilang mga karapatan.
Nakasaad sa ating Saligang Batas, partikular sa Artikulo XIII, Seksyon 3, ang mga sumusunod na probisyon kung saan nakapaloob ang mga karapatan ng mga manggagawa, na:
“SEK. 3. Dapat magkaloob ang Estado ng lubos na proteksyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at 'di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang employment at pantay na mga pagkakataon sa employment para sa lahat.
Dapat nitong garantyahan ang mga karapatan ng lahat ng mga manggagawa sa pagtatatag ng sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos, kasama ang karapatang magwelga nang naaalinsunod sa batas. Dapat na may karapatan sila sa katatagan sa trabaho, sa makataong mga kalagayan sa trabaho, at sa sahod na sapat ikabuhay. Dapat din silang lumahok sa mga proseso ng pagbabalangkas ng patakaran at desisyon na may kinalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo ayon sa maaaring itadhana ng batas.
Dapat itaguyod ng Estado ang prinsipyong hatiang pananagutan ng mga manggagawa at mga employer at ang preperensyal na paggamit ng boluntaryong mga pamamaraan ng pagsasaayos sa mga hidwaan, kabilang ang konsilyasyon, at dapat ipatupad ang pagtalima rito ng isa’t isa upang maisulong ang katiwasayang industriyal.
Dapat regulahin ng Estado ang ugnayan ng mga manggagawa at mga employer, dahil sa pagkilala sa karapatan ng paggawa sa karampatang kaparte nito sa mga bunga ng produksyon at sa karapatan ng mga negosyo sa makatwirang tubo sa mga pamumuhunan, at sa paglawak at paglago.
Sa mga nabanggit na probisyon ay ating mapapansin kung paano pinahahalagahan ng Estado ang mga manggagawa, anuman ang uri ng kanilang pagka-empleyo. Ang bawat manggagawa ay pinagkalooban ng ating Saligang Batas ng karapatan na magtatag ng sariling organisasyon o unyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon sa pinagtatrabahuhan ukol sa sahod at ibang kondisyon ng empleyo, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos, kasama ang karapatang magwelga nang alinsunod sa batas.
Ang karapatang bumuo at sumanib sa isang lehitimong organisasyon ay mayroong kaakibat na responsibilidad. Kaiba ang pagsali sa lehitimong organisasyon at iba rin ang karapatang sumali sa magkakaugnay na pagkilos sapagkat mayroong mga bagay na kailangang isaalang-alang.
Sa Artikulo 278 (g) ng Presidential (P.D) Decree No. 442 of 1974, As Amended and Renumbered, o mas kilala sa tawag na Labor Code of the Philippines, sa probisyon na pinamagatang Strikes and Lock-Outs ay nakasaad na:
”(g) When, in his opinion, there exists a labor dispute causing or likely to cause a strike or lockout in an industry indispensable to the national interest, the Secretary of Labor and Employment may assume jurisdiction over the dispute and decide it or certify the same to the Commission for compulsory arbitration. Such assumption or certification shall have the effect of automatically enjoining the intended or impending strike or lockout as specified in the assumption or certification order. If one has already taken place at the time of assumption or certification, all striking or locked out employees shall immediately return-to-work and the employer shall immediately resume operations and readmit all workers under the same terms and conditions prevailing before the strike or lockout. The Secretary of Labor and Employment or the Commission may seek the assistance of law enforcement agencies to ensure compliance with this provision as well as with such orders as he may issue to enforce the same.”
Sa probisyong ito nakasaad ang mga limitasyon sa karapatang mag-strike ng mga empleyado sa mga industriyang may kinalaman sa pangkalahatang interes. Para maiwasan ang maaaring hindi magandang epekto ng pagwewelga ng mga empleyado sa mga industriyang ito, ang Kalihim ng Paggawa ay mamamagitan sa hidwaan ng employer at ng mga empleyado at kapag nangyari ito ang bawat panig ay marapat na tumalima.




Comments