top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga kabataan, sanayin at ihanda, may giyera man o wala

Writer: BULGAR
BULGAR
May 12, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 12, 2024



Boses - Ryan Sison


Dapat na ihanda ng gobyerno ang milyung-milyong kabataan para sa maaaring digmaan sa gitna ng walang tigil na pangha-harass at pambu-bully na ginagawa ng China. 


Ito ang naging pahayag ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales sa isang forum, kamakailan. 


Ayon kay Gonzales, dapat nating samantalahin ang ating mga assets na wala ang iba, at ito ay ang ating mga kabataan. Aniya, kung hindi siya nagkakamali, at kung pag-uusapan ang bilang, meron tayong 20 milyong young Filipinos o mga kabataan na maaaring i-train para sa posibleng digmaan.


Binigyang-diin naman ng dating kalihim na dapat bigyan ng responsibilidad at hasain ang kakayahan ng mga kabataan para magkaroon ng partisipasyon at mapakilos sila sa anumang contingency o sirkumstansya.


Sinabi rin ni Gonzales na gusto niyang (China) maging world power. Naiinggit umano siya sa Estados Unidos, at mismong ang dating ambassador ang nagsabi na isang paraan para talagang ma-mobilize o mapakilos ang mga Chinese people sa likod ng gobyerno ay dapat mayroong external threat sa China. Aniya pa, ang Chinese party ay matalinong pinili ang Pilipinas para maging kaaway dahil sa madali tayong matatalo nito.


Giit din niya na kailangan na baguhin ang lumalabas na imahe ng mga Pilipino para sa mga Tsino, kung saan itinuturing umano ang mga mamamayang Pinoy na ‘cheap’ at madaling masuhulan.


Mainam nga sigurong i-train ang ating mga kabataan sa pakikipaglaban at ihanda sa anumang puwedeng mangyari sa hinaharap.


Marami kasi sa kanila ang masyadong abala sa iba’t ibang bagay at palaging nakatuon na lamang sa kanilang mga cellphone at gadget.


Halos wala na silang panahon sa pag-eehersisyo man lang o pagpapalakas at pagpapaganda ng kanilang katawan, kaya tuloy marami sa kanila ang nagiging lampa at mahina.


Kadalasan din kahit simpleng problema lang at hindi nila masolb ay nagiging emosyonal at nagwawala habang ang iba naman ay nagreresulta sa trahedya. 


Marahil, panahon na para sanayin at hasain ang ating mga kabataan sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay, kabilang na rito ang kanilang pisikal, emosyonal, mental, at ispirituwal. Upang hindi man talaga magkaroon ng giyera sa ating bansa ay handa pa rin silang sumabak sa anumang hamon at pagsubok sa buhay.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page