top of page

Mga kabataan, desperasyon o inspirasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 20
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 20, 2025



Fr. Robert Reyes


Noong Setyembre 7, itinanghal na mga santo sa Vatican ni Papa Leo XIV sina Carlo Acutis (15) at Pier Giorgio Frassati (24). Ang dalawang kabataan ang pinakaunang mga santong naitanghal ni Papa Leo, at mga kabataan ang dalawa. 


Hindi pa nagtatagal ang malalim na galak at pasasalamat ng marami sa pagkakatanghal ng dalawang kabataang santo nang dalawang kabataan naman ang nakilala sa buong mundo ngunit sa dahilang ibang-iba. 


Noong ng Setyembre 10, binaril si Charlie Kirk (31) sa Utah, Estados Unidos. Kilalang “supporter” ni Pangulong Donald Trump si Kirk. Nakilala rin siya sa kanyang mga matatalim na pananalita na sumusuporta sa mga kampanya ni Trump. 


Hindi nagtagal nang makilala ang bumaril kay Charlie Kirk. Nang natuklasan ng ama ng bumaril na ang anak niya ang gumawa, agad-agad niyang isinuko ito sa mga pulis. 

Si Tyron Robinson (22), ang sinasabing pumatay kay Charlie Kirk ay kabataan din. Masasabing batang-bata pa ang dalawa ito. 


Bakit pinatay ni Tyron si Charlie? Hindi na natin malalim na pag-uusapan ito dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon. Nakalulungkot lang na masundan ang masaya at lubhang makabuluhang buhay ng dalawang Banal na Kabataang sina Carlo at Pier Giorgio ng malungkot at tragikong kuwento ng buhay nina Charlie at Tyron.


Hindi pa ganoon katanda si Brice Hernandez, 42 taong gulang lang. Siya ngayon ang nakasalang na pinatetestigo sa Senado laban sa katiwalian ng mga taga-DPWH, contractors at ng mga kasabwat ng mga itong pulitiko. Bilyun-bilyong salapi ang isinugal umano ni Hernandez kasama ang dalawa pang taga-DPWH. Makikita itong ipinagmamalaki ang relos na milyun-milyong piso ang halaga. 


Maluho, marangya, maiskandalong buhay ang ipinakita ng batang propesyonal na ito. Ngunit si Hernandez lang ba ang marumi? Napapanood natin sa telebisyon ang imbestigasyon ng Senado rito. Sinu-sino ang nag-iimbestiga kay Hernandez? ‘Yung mga senador na idinadawit niya sa iskandalo ng ghost flood control projects kung saan dumaloy at nawala ang bilyun-bilyong salapi mula sa kaban ng bayan na pag-aari ng mamamayan. Mukhang magiging Napoles din si Hernandez. 


Nasaan si Janet Napoles at nasaan ang mga nadawit sa mga ghost NGO projects nito? Nakakulong si Napoles at malaya ang mga pulitikong nadawit sa kanyang maruming oplan port barrel scam.


Tampok sa buwang ito ang patuloy na imbestigasyon ng bilyun-bilyong salaping nawala sa mga ghost flood control projects. At sa gitna ng mga lumalabas na nakawan at korupsiyon halos araw-araw na ang mga kilos-protesta ng mga mamamayang galit na galit na.  


Ipagdiriwang naman ng Simbahang Katoliko sa Setyembre 27 ang pista ng martir na si San Lorenzo Ruiz. Nasa 42 taong gulang lang si San Lorenzo nang pinatay siya sa Nagasaki, noong Setyembre 29, 1637. Hindi pera, kapangyarihan, luho at layaw ang naging buhay ni San Lorenzo Ruiz. Isang tagapagtala (parish secretary), tapat na asawa’t mabuting ama at debotong Katoliko si Lorenzo. Dahil sa hindi totoong akusasyon na pinatay niya ang isang Kastila, tumakas at sumama siya sa mga Dominikano sa Japan noong panahon ng persekusyon ng Tokugawa Shogunate ng mga Kristiyano. Madalas marinig at mabasa ang sinabi ni San Lorenzo Ruiz bago siya namatay: “Kung bibigyan ako ng isang libong buhay, iaalay ko ang bawat isa nito sa paglilingkod sa Panginoon.” 

Isinabit nang patiwarik si San Lorenzo sa isang balon, bahagyang ginilitan sa leeg ito at hinayaang unti-unting dumaloy ang dugo hanggang mamatay. Nasawi si San Lorenzo pagkaraan ng dalawang araw, ngunit hindi namatay ang kanyang mensahe at banal na pagsaksi.


Sino ba ang higit na marumi at higit na makasalanan? Si Brice Hernandez at ang mga taga-DPWH? Ang mga contractor? Ang mga pulitikong pumipirma sa pag-release ng pondo para sa ghost flood control projects? Ang iba, ang nakararaming taumbayan? Samantalang dapat ikulong ang mga sangkot sa pangungurakot umano mula sa mga opisyal DPWH hanggang mga contractor at pulitiko, hindi maaaring magkibit-balikat ang nakararaming hindi nagsasalita at nakikialam. 


Tumagal at lumala ang problema dahil na rin sa kapabayaan at katahimikan ng marami. Nagbabago na ito ngayon, umiingay at nararamdaman na ang galit at inip ng marami. 

Simula lang ang paglabas ng marami bukas, Setyembre 21, 2025. Susundan at magpapatuloy pa rin ang paglabas, ang pag-agos at pagbaha ng taumbayan upang linisin ang tiwali sa pamahalaan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page