top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Mga kababaihan na ibebenta sana sa foreigner, nasagip

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 15, 2024



Boses by Ryan Sison

NailigtasS sa tiyak na kapahamakan ang halos 60 sex worker na ibinebenta umano sa mga dayuhan mula sa tatlong nightclub sa Makati City.


Sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Organized and Transnational Crimes Division at Social Welfare Office, sinalakay nila ang umano’y high-end prostitution den sa nasabing lungsod, kung saan nabatid na tatlo sa kanila ay mga menor-de-edad. Anila pa, puno ang mga establisimyento ng mga male foreigner at mga lokal na kababaihan.


Ayon kay NBI Anti-OTCD Chief, Atty. Jerome Bomediano, ang naturang bar ay hindi lamang naghahain ng inumin, dahil nag-aalok din ito ng mga babae at ang sinasabi na kapag tinake out o inilabas sa bar ang babae, nagkakahalaga ito ng P10,000 hanggang P25,000 habang ang bar fine ay P7,500.


Sinabi rin ni Bomediano na ang modus nitong mga bar ay hindi sila nag-aalok ng babae sa mga Pinoy, mga dayuhan lamang. Kaya kung may Pinoy na pumasok sa bar, hindi ito papansinin.


Aniya, may kabuuang 59 kababaihan ang kanilang na-rescue sa naturang operasyon, na base sa dental records, tatlo rito ay menor-de-edad. 


Pahayag din ng opisyal na nasa 12 katao ang kanilang naaresto, kabilang ang umano’y may-ari, na isang Iranian citizen, at 11 Pinoy.


Isinagawa ng NBI ang naturang raid matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa mga dating empleyado ng bar. Sinampahan naman na ng kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Law ang mga suspek na tumangging magbigay ng kanilang pahayag.


Mabuti at naging maagap ang mga otoridad sa pagsagip sa marami nating kababaihan, pati na mga batang halos masira ang kinabukasan.


Kung hindi agad kumilos ay kaawa-awa ang mga ito dahil hindi man lang nila magawang ipagtanggol ang kanilang sarili habang patuloy silang ibebenta sa mga dayuhan para magbigay ng panandaliang aliw.


Matagal nang problema ang talamak na prostitusyon, na hanggang ngayon ay hindi pa rin mapigilan. Sana naman umaksyon ang kinauukulan tungkol dito, kung kinakailangang suyurin nila ang mga lugar na ginagawang sex den ay simulan nila, habang hulihin at papanagutin ang mga dapat managot.


Gayundin, magpatuloy lang sana ang pagsagip sa mga kababaihan na ginagawang sex worker nang sa gayon hindi man agad ito masawata ay mabawas-bawasan ang magiging biktima ng prostitusyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page