Mga Jalosjos, 'pag 'di tumupad sa usapan… SEN. TITO: EB!, ILILIPAT NAMIN SA IBANG CHANNEL!
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | April 30, 2023

Nagbigay na ng pahayag si Tito Sotto na malaki ang posibilidad na lumipat ang Eat… Bulaga! sa ibang TV network kung hindi maaayos ang mga problema at kung hindi tutuparin ang napag-usapan nila ng pamunuan ng TAPE (Television and Production Exponents), Inc. na siyang producer ng nasabing noontime show.
Na-interview ng mag-asawang Julius and Cristine Babao si Tito Sen sa online show na Julius Babao Unplugged uploaded last Thursday sa YouTube at dito ay isa-isang sinagot muli ng veteran TV host-comedian-public servant ang mga issues surrounding Eat… Bulaga!.
Diretsong tinanong ni Julius kung may ongoing talks ba between Eat…Bulaga!, TVJ (Tito, Vic Sotto and Joey de Leon), TAPE, Inc. and TV5 at diretso ring sagot ni Tito Sen, “Yes, without elaborating.”
Kasunod na tanong sa kanya ay kung posible ba na lumipat ang Eat… Bulaga! sa TV5.
“Kung tulad ng sinabi ko kanina, kung hindi maiaayos ‘yung kasalukuyang sitwasyon, at hindi matutupad ang mga pinag-uusapan, eh, malaki ang posibilidad niyan,” he said.
Isa pang rebelasyon na binitiwan ni Tito Sen ay kasama rin daw sa pag-uusap ang ABS-CBN at sa malas ay magiging collaboration ito ng dalawang networks.
When asked kung may NET25 din ba sa usapan, ani Tito Sen, “Yes. ‘Yung NET25, as early as 2 weeks ago, pinag-uusapan na namin. Pero napag-uusapan lang, wala namang concrete.
Kumbaga sa ano, the door is open.”
Ayon pa kay Tito Sen, nagkaroon na sila ng pag-uusap ng TAPE, Inc. at hindi raw sila pumapayag sa mga gustong baguhin ng management.
As we all know, ang nagma-manage na ngayon ng TAPE, Inc. ay si Romeo Jalosjos at ang kanyang mga anak at hindi na si Tony Tuviera.
“Mayroon silang mga gustong gawin sa programa. Ang sabi namin, 'Hindi basta puwede ‘yan, hindi ganyan kadali ‘yan. At saka hindi madali ‘yung basta magtatanggal ka ng tao, may mga gusto kang ipalit. ‘Yung mga gusto mong ipalit, eh, walang karanasan du’n sa amin.’ So, papaanong gagawin natin?
“So nag-counter kami. Actually, naka-dalawang balikan kami ng counter, eh. Sa pangalawang balikan ng counter, umoo na sila. Kami naman, nagbigay dahil nalulugi raw, in debt ‘ikang ganu’n.
“So, pumayag kami na across the board. Gusto nila, mag-10% lower muna sa mga empleyado and pagdating ng December, magkakaroon ng assessment kung nakabawi na.
“In the meantime, parang magkakaroon muna ng hulugan ‘yung utang kay Vic at kay Joey at du’n sa iba pang mga sales na may utang sila,” pahayag ni Tito Sen.
Pero bigla nga raw may nagpa-interview na miyembro ng korporasyon at ayon kay Tito Sen, mali raw ang mga sinabi nito sa totoong nangyayari kaya naman nagdesisyon sila nina Vic and Joey na sumagot at siya nga ang nahilingan na humarap sa media.
Matatandaang nagpa-interview ang Dapitan Mayor and chief finance officer ng TAPE, Inc. na si Bullet Jalosjos last week sa Fast Talk with Boy Abunda at sinagot ang mga issues tungkol sa TAPE, Inc. at sa noontime show.
Ayon kay Tito Sen, basta ang kondisyon daw nilang tatlo (TVJ) para manatili sila sa EB! ay tuparin ang napag-usapan dahil kung hindi raw ito matutupad ay may posibilidad talaga na umalis sila sa TAPE, Inc. at dadalhin nila ang EB! at ang buong production team kasama ang buong Dabarkads kung saan man sila pupunta.
Nasa TVJ daw ang copyright ng title na Eat… Bulaga! kaya puwede nila itong dalhin kahit saan.





Comments