top of page

Mga isla ng 'Pinas, 'wag hayaang kamkamin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 3, 2024
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 3, 2024


Fr. Robert Reyes

Dumadalaw tayo sa Coron noong nakaraang Martes. Naimbitahan tayo ng ilang kaibigan na matagal nang nais dalawin ang popular at mala-paraisong lugar. 


Kapag sinabing Coron, lilitaw ang larawan ng malilinis at hindi mataong tabing dagat, mga buhay at makukulay na coral at ang napakayamang buhay-dagat.


Dahil kauna-unahang pagkakataon nating dumalaw sa Coron, noon lang natin nakita ang paliparan na merong pangalang “Francisco B. Reyes Airport” o simpleng Busuanga Airport. Agad-agad nating naitanong sa drayber ng van kung sino si Francisco B. Reyes. “Naging mayor po ba siya ng Coron noong araw (1936-1939) at tila siya ang nag-donate ng lupang kinatatayuan ng kasalukuyang paliparan?” Nais ko pa sanang itanong kung kamag-anak si Francisco ng magkapatid na Joel Reyes, dating gobernador ng Palawan, at Mario, kapatid niya na dating mayor ng Coron.


Bigla tuloy bumalik sa ating alaala ang malungkot at masaklap na katapusan ng buhay ng ating kaibigang si Dr. Gerry Ortega na binaril noong Enero 24, 2011, 13 taon nang nakararaan. Nakatira at nagtatrabaho tayo sa Puerto Princesa noon. At halos tuwing Sabado ay nagkikita kami ni Dok Gerry sa bahay ni Obispo Pedro Arigo sa Tinigiban, Puerto Princesa. 


Naroroon pa ako sa naturang lugar nang binaril si Dok Gerry at nakasama tayo mula noon hanggang ngayon sa matagal at nakagagalit na paghahanap ng katarungan ng pamilya at mga kaibigan ni Dok Gerry. 


Ilang taong nagtago sa Thailand ang pinaghihinalaang “mastermind” na si Joel Reyes, dating gobernador ng Palawan at ang kapatid nitong si Mario. Nahuli sa tulong ng Interpol ang magkapatid. Nakulong ng ilang taon ang dalawa, ngunit napawalan si Mario dahil hindi mapatunayan ang kanyang kaugnayan sa kaso. Nakakuha naman ng desisyon ng korte na pabor kay Joel, kaya nakalaya ang dating gobernador at nananatiling malaya.


Taun-taon sa anibersaryo ng kamatayan Dok Gerry, nagpapalabas ng pahayag ang mag-inang Patty at Michaela. Sa kabila ng malinaw at malakas na ebidensya laban sa mga akusado sa nakaraang 13 taon, wala pa ring malinaw na desisyon ang korte. Kataka-taka hindi ba?


Nang dumating tayo sa resort na napili ng ating mga kaibigan, nagsimula tayong magtanung-tanong tungkol sa kapaligiran ng Coron. At doon natin natuklasan ang nakalulungkot na katotohanan. 


Parami nang parami ang nabibili ng mga Tsino (mula sa People’s Republic of China) na mga lupa at pangpang sa Coron. Naitanong natin kung kailan nabili ng may-ari ng resort ang kanilang puwesto. Sagot sa akin ng empleyado, halos 12 taon na. 


Mabilis na umikot ang aking mga mata sa paligid ng resort. Napansin ko ang ilang mga gusali (cottages) na meron nang mga sira at kailangang-kailangan na ng repair. Naitanong ko tuloy kung may balak ipa-repair at pagandahin ang mga cottage ng resort. Tinugon ako ng empleyadong, “Meron naman po, ngunit malayung-malayo ang kakayahan ng aming amo na magpa-repair, magpaganda at magpalawak ng resort. Walang-wala ang amo namin sa kakayahan ng aming mga kapitbahay.” 


Nagtanong tayo muli kung sino ba ang kanilang mga kapitbahay na resorts.

Sinabi niyang, “Kararating lang halos ng aming mga kapitbahay, ngunit ang bilis nilang magpagawa. Ang lalaki at ang gagara ng mga gusali, mga cottage at iba’t ibang facilities ng kanilang resort. Ang dami talaga ng pera nila.” 


Napagtanto ko kung sino ang sinasabi ng empleyadong kapitbahay at may-ari ng mga resort sa kanilang paligid. Ang mga Tsino, na taga-PRC.


Paano nangyari ito? Hindi ba’t hindi naman puwedeng bumili at magmay-ari ng lupa ang mga banyaga? Tsino man o iba pang lahi? Sagot sa akin ng empleyado, “Bayong-bayong na pera po ang dala ng mga Tsino. Napakarami nilang pera at ito ang isa sa pinakamabisang instrument ng kanilang pagpapalawak at pangangalat ng kanilang mga kababayan.”


Hindi malayong mayroong kaugnayan sa POGO ang mga naturang lugar at resorts. Alam nating ipinagbawal na ang mga ilegal na POGO. Pero, magtatagumpay ba ang gobyerno na ipasara ang mga POGO at hulihin ang lahat ng ilegal, Tsino man o taga-ibang bansa?


Kayganda ng Coron, subalit nanganganib na mabili ang malaking bahagi nito ng mga banyaga lalo na ng mga Tsino. 


Hindi legal ang pagbebenta sa dayuhan ng ating lupa, ngunit sa tingin ko hindi din bawal ang suhol, ang korupsiyon. 


Para sa akin, bukambibig lang ang pagbabawal sa suhol, sa korupsiyon dahil tila kaydaling suhulan ng maraming mga opisyales.


May pag-asa bang malinis ang Coron at ang iba’t ibang bahagi ng ating bansa ng mga ilegal na sumasakop ng ating mga lupain? Paano kung ang pumapayag ay ang mga nasusuhulang mga kawani ng pamahalaan?


Kawawa ang Coron dahil napakaraming tapyas ng ating napakagandang mga isla. Habang hinahangaan at inaalala natin ang maraming mga magagandang lugar sa mga sulok ng ating bansa, mabilis na ibinebenta ang mga ito ng mga nakapuwesto.


Kawawa ang taumbayan dahil nilulusob at kinakamkam na ang ating mga isla, ang ating mga siyudad at bayan. Malungkot at masakit ito. At higit pang masaklap sa mga opisyales na sila mismo ang nagbebenta o gumagawa ng paraan para makuha, mabili, masarili ng mga banyaga ang ating mga isla at kalupaan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page