top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mga ilegal na nagpuputol ng puno, hulihin at pananagutin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2021
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 3, 2021



Nitong mga nagdaang bagyo sa bansa ay kitang-kita kung paano sinalanta ang maraming lugar dahil bukod sa hampas ng hangin ay pangunahing problema ang kawalan na ng mga punong sumasangga sa pagdaloy ng ulan.


Maging ang Metro Manila ay nakararanas ng grabeng pagbaha dahil maging ang mga karatig-lalawigan ay halos kalbo na ang mga kabundukan at sa tuwing sasapit ang ganitong panahon ng tag-ulan ay hindi na sumasapat ang isinasagawa nating paghahanda.


Ang resulta, palaging lubog sa tubig ang maraming lugar, paulit-ulit na may nasasawi dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng baha sa kabila ng sunud-sunod na babala na inilalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Ano na kaya ang naging resulta ng kautusang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) na direkta sa local government units (LGUs) at sa Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng crackdown laban sa illegal logging at illegal quarrying.


Iniutos din ng DILG na magtulung-tulong at bilisan ang pagtatanim ng maraming puno sa pakikipagtulungan naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), partikular sa mga kalbong kabundukan na labis na sinalanta ng mga sumisira ng kalikasan.


Matatapos na kasi ang termino ng administrasyong ito kaya naisip nating kumustahin kung ano na ang naging resulta ng kautusan ng DILG na dapat pinagtuunan din ng pansin upang maproteksiyunan ang nalalabi pa nating kagubatan dahil kung hindi ay tayo mismo ang naglalagay sa kapahamakan sa ating mga kababayan.


Hindi naman tayo manhid na hindi natin nakikita ang pagsisikap ng LGUs sa pagtugon sa pandemya, ngunit posibleng dahil dito ay maiwaksi na natin sa ating prayoridad na isalba ang mga kagubatan na panangga natin sa panahon ng kalamidad na hindi lang buhay ang nawawala kung hindi maging ang kabuhayan.


Tulad na lamang ng mga nagdaan nating karanasan sa malawang pagbaha na sumakop sa mga lugar ng Cagayan Valley, Bicol, Marikina, Rizal at marami pang lugar sa bansa na dapat magsilbing wake-up call na sa lahat upang pagsikapan na nating protektahan ang ating kagubatan.


Dapat na rin nating paigtingin ang pangangalaga sa mayaman nating likas na yaman at hayaan nating lumago pa ang mga pananim sa ating mga kabundukan at huwag nating hayaang pagsamantalahan ito ng ilan nating kababayang walang pakialam sa buhay ng ibang tao.


Maganda rin na muling binuhay ang local Anti-Illegal Logging Task Force na binubuo ng DENR, DILG, Department of National Defense (DND) Armed Forces of the Philippines (AFP), PNP at LGUs, ngunit baka dahil sa sobrang lakas ng binuong puwersa ay mag-asahan, kaya dapat magsumite tayo ng ulat sa bayan.


Manguna dapat ang mga Mayor at Barangay Captain sa monitoring upang masiguro na walang illegal logging, kaingin o pagsusunog ng tuyong damo at iba pang aktibidades na nakasisira sa kalikasan na hanggang ngayon ay kitang-kita pa rin marami pa rin ang matitigas ang ulo.


Tukoy naman ng lokal na pamahalaan kung sinu-sino ang mga illegal loggers dahil ang ilan sa kanila ay ‘yun din namang sinasabing legal na nagsasagawa ng pamumutol ng kahoy na hindi basta nasisita ng mga forest ranger dahil kumpleto ng papeles mula pa sa DENR at lokal na pamahalaan.


Ang pinakamabisang paraan para masugpo ang illegal logging, dapat tukuyin kung sinu-sino ang mga ito at papanagutin sa batas ang mga financier at operators dahil karaniwang transporters at buyers lang ng mga walang dokumentong kahoy ang nasasakote.


May mga pagkakataong naririnig natin mismo sa komento ng ilang radio broadcaster na may ilang itinalagang alagad ng batas sa mga tukoy na kagubatan kung saan isinasagawa ang illegal logging ay tumatanggap ng lingguhang lagay para sa tuluy-tuloy na operasyon.


Alam nating hindi naman ito kinukonsinte ng mga pamunuan, ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw na kaya nakalulusot ang mga illegal logger dahil sa may nagpapalusot at ito ang dapat seryosohin ng ating pamahalaan upang mahinto na ang pagwasak ng kagubatan.


Noong nakaraang linggo lamang ay nagpalabas ng pahayag itong si PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar na seryosong paiigtingin pa ang pagtugis sa mga nagsamantala sa kalikasan sa pakikipagtulungan pa rin ng DENR at LGUs.


Sa katunayan, sa loob lamang ng ilang araw ay agad nakasakote ng mga giant clams at tambak na pinutol na malalaking puno na walang kaukulang dokumento ang kanilang operatiba sa magkahiwalay na operasyon sa Negros Occidental at Northern Samar.


Maging ang mga provincial office ng DENR sa iba’t ibang lalawigan ay may mga isinusumite namang accomplishment report na katunayan ay may mga nasasakote silang malalaking kahoy na ilegal na pinutol at may mga sinsampahan din naman ng kaso.


Ang mga report kasing ito ang magpapatunay na hindi sila nagpapabaya sa kani-kanilang tungkulin na pangalagaan ang ating kalikasan, ngunit ito rin ang nagpapatotoo na kaya marami ang nasasakote dahil sa patuloy na operasyon ng illegal logging sa bansa.


Hindi naman natin binabalewala ang pagsisikap ng ating mga operatiba, ngunit dapat nating tandaan na ang tunay na accomplishment ay ang makita nating mayabong at malulusog ang mga puno sa kagubatan at hindi ‘yung ipinagmamalaki ninyong mga putol na puno na inyong nakumpiska.


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page