Mga hindi pa bakunado, dapat maturukan kaysa piliting ihiwalay sa fully vaccinated
ni Ryan Sison - @Boses | July 27, 2021
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng Delta variant sa bansa, naunang ipinanukala ang hiwalay na public bus sa mga fully vaccinated at hindi.
Kasunod nito ang apela ng mambabatas na maghigpit sa mga hindi pa nababakunahan kontra COVID-19. Kabilang sa paghihigpit ang pagpasok at pagkain sa mga establisimyento, gayundin ang pagpunta sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Bukod pa rito, ipinanukala rin na mabigyan ng incentives ang mga negosyante na unang makapagpapabakuna sa lahat ng kanilang emplyeado. Habang ang mga indibidwal na nabakunahan na ay mabibigyan ng insentibo tulad ng maluwag silang makakagalaw sa ibang lugar at ang hindi pagsailalim sa mandatory test kapag sila ay fully protected na.
Kung tutuusin, nakatutuwa na may mga nag-iisip ng paraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng Delta variant na pinaniniwalaang mas mabagsik at nakahahawa.
Gayunman, kailangang pag-isipan at pag-aralang mabuti kung ang mga hakbang na ito ay talagang makatutulong sa ating sitwasyon.
Tulad ng panukalang paghihigpit sa mga hindi pa bakunado, para na ring sinabing dapat silang ilayo sa mga fully vaccinated. Ang ganitong hakbang ay posibleng maging ugat ng diskriminasyon, lalo na’t hindi naman lahat ng hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 ay ayaw talagang magpabakuna.
Karamihan sa kanila, gusto namang magpabakuna pero hindi sapat ang suplay. Kaya ang ending, tengga at maghihintay lang ng abiso mula sa lokal na pamahalaan kung kailan sila mababakuhan.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, isip-isip muna kung kailangan bang ipatupad ang mga ganitong hakbang o mas dapat tutukan ang mga kasalukuyang problema.
Baka kasi sa kaiisip natin ng solusyon sa ating sitwasyon, panibagong sakit lang ng ulo ang makuha natin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments