Mga health benefit ng pagkain ng Natto at pag-inom ng Nattokinase supplement
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | December 2, 2025

Photo File
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang tagasubaybay ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper. Dahil ito sa aking mga health issues na matagal ko nang hinahanapan ng natural na solusyon sa pamamagitan ng pagkain ng mga natural food. Naniniwala ako sa inyong nabanggit na adhikain na ang mga natural na pagkain ay mga gamot na maaaring maging lunas sa ating mga sakit.
Nabasa ko sa isang libro na ang pagkain ng Natto ng mga tao sa Japan ay maaaring isa sa mga dahilan kung bakit maraming centenarians sa kanilang populasyon. Ano ang Natto, at ano ang sangkap ng Natto na maaaring nakakatulong sa paghaba ng buhay? Safe ba na kainin ang Natto o inumin ang sangkap nito bilang food supplement?
Sana ay mabigyan n’yo ng pansin ang aking liham at masagot ang aking mga katanungan.
-- Fatima
Maraming salamat Fatima sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang Natto ay isang kilalang traditional food sa Asia sa loob ng mahigit ng 2,000 taon. Ayon sa Takayama study na na-publish sa American Journal of Clinical Nutrition noong 2017, ang pagkain ng Natto ng mga Hapones ay isa sa mga dahilan sa mahabang buhay ng populasyon ng bansang Japan. Ang Japan ay isa sa may pinakamaraming tao na may edad na 100 taon (centenarians) at humigit pa (super centenarians). Ang madalas na pagkain ng Natto ay nakitang dahilan ng mga dalubhasa ng nabanggit na Takayama study kung bakit mababa ang risk na mamatay sa sakit sa puso (ischemic heart disease).
Noong 1987 ay nadiskubre ng mga scientists na ang Natto ay may sangkap na Nattokinase, isang fibrinolytic enzyme, na ayon sa mga pananaliksik sa Japan, Korea, China at Amerika ay siyang active ingredient ng Natto at responsible sa mga mabubuting epekto nito sa ating kalusugan.
Ayon sa mga research na na-publish sa scientific journals na Experientia, Journal of Biological Chemistry, Acta Haematologica at sa Biological and Pharmaceutical Bulletin, ang Nattokinase ay maaaring pumigil ng pagbuo ng dugo (antithrombotic activity) at paglusaw ng namuong dugo (fibrinolytic activity). Ayon din sa mga animal at human studies na nailathala sa mga scientific journals, ang Nattokinase ay nagpapababa ng blood pressure (antihypertensive effect), pumipigil sa pagbabara ng ugat (anti-atherosclerotic), pagpapababa ng lipids sa dugo (lipid-lowering), at pumipigil na mamuo ang dugo (anti-platelet at anticoagulant effect).
Batay sa artikulo ni Dr. Hongjie Chen at kanyang mga kasamang dalubhasa ng Department of Traditional Chinese Medicine, The Third Affiliated Hospital ng Sun Yat-Sen University sa bansang China, ang Nattokinase ay isang single compound na maraming preventive at alleviating pharmacologic effects laban sa iba’t ibang cardiovascular diseases. Ang Nattokinase ay isang natural product at walang kahalintulad ito sa kasalukuyang mga gamot. May proven safety profile din ito at may potential itong ma-develop bilang new-generation drug para sa prevention, sa paggamot at matagalang pangangalaga ng mga may cardiovascular diseases, ayon kay Dr. Chen.
Ayon sa study survey nina Dr. Chen, may mga pag-aaral nang isinagawa sa mga human subjects sa Japan, at mga bansa sa North America at Asia.
Sa mga animal studies sa mga laboratory ay walang nakitang adverse effect hanggang doses na aabot sa 1000 mg/kg/day at ilang beses na mas mataas sa mga dose na ibinibigay sa tao. Wala ring nakita na adverse effect sa mga human volunteers na uminom ng Nattokinase sa dose na 10mg/kg sa loob ng 28 araw.
Ayon din kay Dr. Chen, ang mga data na kanilang pinag-aralan ay nagpapatunay na ang Nattokinase ay safe at may maliit o walang toxic effect sa tao.
Base pa kay Dr. Hongjie Chen, iniinom ng maraming tao ang Nattokinase supplement
sa Japan, China, Korea at sa mga bansang Australia, Amerika, Canada at sa Europa para sa health promotion at improved circulation.
Kung ninanais na regular na uminom ng Nattokinase o kumain ng Natto ay makakabuti na sumangguni sa inyong doktor. Maaaring magkaroon ng drug interaction ito sa mga gamot na inyong kasalukuyang iniinom.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com








Comments