Mga gustong magtrabaho abroad, mas dumami
- BULGAR

- Sep 17, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 17, 2024

Marami pa rin sa mga kababayan na iniisip na para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya ay sa pamamagitan ng pag-a-abroad.
Patuloy kasi ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nagpupunta sa ibang bansa upang makapagtrabaho.
Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong nakaraang taon lamang ay mayroong 2.16 milyon na mga overseas Filipino workers (OFW), kung saan mas mataas ito noong 2022 na mayroong tinatayang 1.96 milyon.
Ito ay base sa isinagawang survey ng PSA mula April hanggang September 2023.
Ang pinakamarami rito ay ang overseas contract workers mula sa kabuuang estimate na aabot sa 98 porsyento o katumbas ng 2.12 milyon na mas mataas kaysa sa 1.94 milyon noong nakaraang taon.
Ang naturang bilang ay nagresulta sa pagtaas ng remittance na natanggap ng pamahalaan mula sa mga OFW, kung saan umakyat ng 20.8 porsyento o katumbas ng P238.63 bilyon kumpara sa P197.47 bilyon noong 2022.
Hindi na nakakagulat na mas marami sa mga Pinoy worker ang ninanais na makahanap ng magagandang oportunidad abroad dahil sa malaki ang pagkakaiba ng puwede nilang matanggap sa kanilang sahod kumpara nga naman sa suweldo nila dito sa Pilipinas.
Marami pang mga benepisyong ibinibigay sa mga manggagawa sa ibang bansa kaya ang siste, magtatrabaho talaga doon ang mga kababayan.
Kaya naman hiling natin sa ating gobyerno na pagtuunan nang husto ang mga manggagawang Pinoy gaya ng pagbibigay ng magandang pasahod at mga benepisyo, habang paramihin ang mabibigyan ng trabaho nang sa gayon ay hindi na maisip ng mga Pinoy worker na magtungo pa sa ibang bansa.
Dapat ding tulungan ng pamahalaan ang lahat ng negosyante, malaki man o maliit na negosyo, upang makapagbigay naman ang mga ito ng trabaho sa mga kababayan.
Isipin sana ng kinauukulan na patuloy na umaasa ang lahat sa kanilang gagawin at pagkilos para maging maganda at maayos ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments