Mga guro, tintindig kontra-katiwalian para sa kinabukasan ng kabataan
- BULGAR

- 12 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 8, 2025

Kung saan ang mga guro ay nagsisilbing ilaw ng mga kabataan, maging sila ay nagnanais din ng pagbabago sa matagal nang tila bulok na sistema sa edukasyon.
Hindi ito simpleng hinaing, ito’y sigaw ng mga indibidwal na araw-araw humaharap sa kakulangan, sa mga sira-sirang klasrum, at sa mga estudyanteng unti-unting nawawalan ng pag-asa dahil sa kahirapan.
Kamakailan, inanunsyo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines ang planong sit-down strike sa katapusan ng Nobyembre, kasabay ng anti-corruption protest sa Nobyembre 30. Hindi ito basta protesta lamang, sumisimbolo ito ng matagal nang pananahimik ng mga guro na ngayo’y sawa na sa hindi magandang sistema.
Naging mitsa ng tila galit ng mga guro ang inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS). Ayon dito, isa sa apat na Pinoy na may edad 10 pataas ay hindi marunong ng batayang kasanayan sa pagbabasa, pagsusulat, at pag-unawa — katumbas ng 24.8 milyong Pinoy na itinuturing na “functionally illiterate.”
Para sa ACT, hindi lamang ito numero, kundi patunay ng dekadang kapabayaan at kakulangan ng pondo sa sektor ng edukasyon. Hindi rin biro ang kanilang mga obserbasyon, lantad ang nagsisiksikan na mga silid-aralan, sirang pasilidad, kulang na materyales, at sahod na hindi sapat sa pang-araw-araw na gastusin.
Habang ang mga guro’y nagpapakahirap magturo, ang mga pondo naman ay nilalamon ng katiwalian.
Ayon kay ACT chairperson Ruby Bernardo, hindi guro o estudyante ang may sala, kundi isang sistemang pinalulubha ng maling palakad.
Gayunman, hindi kailanman mauubos ang pag-asa ng mga guro, pero hindi rin dapat
abusuhin ang kanilang pagtitiis. Ang pagkilos nila ay hindi laban, kundi panawagan. Panawagan para sa karapatang marinig, maramdaman, at pahalagahan sa lipunang madalas nakakalimot sa tunay na halaga ng edukasyon.
Sa bawat chalk na nagagamit, sa bawat blackboard na napupuno ng alikabok, naroon ang sakripisyo ng mga guro. At sa pagtindig ng mga guro ngayong Nobyembre, naroon din ang panibagong simula ng pagbangon sa sistemang tila nalulubog sa katiwalian.
Ang edukasyon ay pundasyon ng bansa, subalit paano ito tatayo kung mismong pundasyon ay nilulumpo ng korupsiyon?
Kung nais talaga nating maresolbahan ang krisis sa edukasyon, dapat maglaan ng sapat na pondo para tugunan ang kakulangan, magkaroon ng disente at karapat-dapat na sahod para sa mga guro at kawani, isaayos ang kurikulum at tiyaking magsisilbi ito bilang tunay na pangangailangan ng ating bansa, parusahan ang lahat ng sangkot sa katiwalian mula sa pinakamatataas na opisyal, at higit sa lahat baguhin ang sistemang matagal nang dahilan ng kapabayaan sa edukasyon.
Ang laban ng mga guro ay laban ng bawat Pinoy na naniniwalang ang magandang kinabukasan ay nagsisimula sa silid-aralan. Gayundin, sa kinauukulan, oras na para tutukan hindi lang ang mga proyekto, kundi ang mismong mga nagtuturo sa ating mga kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments