Mga estudyante kahit holiday at weekend, bigyan ng discount sa pamasahe
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 21, 2025

Hindi na bago ang balita tungkol sa mga hindi nagbibigay ng student discount sa pasahe ng ilang driver.
Pero iba na ang pananaw sa ngayon. Hindi na pakiusap, kundi paalala o babala. Marahil, tama lang, dahil kung ang batas ay matagal nang umiiral subalit patuloy na binabalewala, nararapat lang na maging mas mahigpit ang pagpapatupad nito.
Mariing pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na obligasyon, hindi opsyon, ang 20% student fare discount — kahit weekend, holiday, o suspendido ang klase. Kasunod ito ng mga reklamo na may ilang PUVs na tila nakikisabay sa “long weekend mood” at hindi nagbibigay ng diskuwento sa mga mag-aaral.
Mismong si LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang nagpatibay na klaro ang Republic Act 11314, ang student discount ay dapat ibigay habang ang estudyante ay naka-enroll, kahit anong araw pa ‘yan. Hindi na aniya, dapat pilit pang ipaliwanag ang batas dahil malinaw na malinaw ang pribilehiyo ay hindi nakatali sa class schedule, kundi sa enrollment status.
Higit pa rito, ipinangako ni Mendoza na hindi siya mapipigil na magpatupad ng mabibigat na parusa.
Ayon sa batas, maaaring masuspinde ng hanggang tatlong buwan ang lisensya ng sinumang driver na lalabag, bukod pa sa P1,000 multa sa bawat insidente. Para naman sa operator, umaabot sa P15,000 ang posibleng multa, at pinakamasaklap sa lahat, maaari silang mawalan ng Certificate of Public Convenience.
Maging ang Department of Transportation (DOTr) sa pamumuno ni Acting Secretary Giovanni Lopez ay nakatanggap din ng mga reklamo.
Kaya’t idiniin nila na kasama sa direktiba ng Pangulo ang protektahan ang kapakanan ng mga estudyante, ang sektor na araw-araw umaasa sa pampublikong transportasyon at tinatamaan ng pamasahe.
Kaugnay nito, hindi rin nalilimutan ni Mendoza ang senior at PWD discounts, na dapat ding ibigay nang walang palusot. At kung may mga pasaherong nais magreklamo, bukas ang LTFRB hotline 0956-761-0739 pati na ang kanilang social media pages.
Kung tutuusin, simple lang ang usapin, ito ay sundin ang batas. Kung kayang ipagmalaki ng ilang PUV operators ang mahal nilang accessories, bakit hindi nila kayang ipagkaloob ang fare discount na nakasaad sa batas?
Kadalasan, ang mga estudyante ang pinakamadaling maapi sa sistema at tama lamang na may ahensyang handang lumaban para sa kanila. Sila ang pinakamahalagang pundasyon ng ating lipunan, nakakahiya kung mismong mga mag-aaral ang hindi nabibigyan ng mga pangunahing benepisyo.
Para sa ating mga estudyante, huwag sanang mangiming i-report agad ang sinumang pasaway na driver na ayaw magbigay ng fare discount sa inyo.
Ang diskuwento sa pasahe ay hindi limos, ito ay pagkilala sa hirap ng mga kabataang araw-araw bumabiyahe para mag-aral. Kaya kung hindi kayang sundin ng ilang driver at operator ang simpleng mandato, marapat lang na maramdaman nila ang bigat ng batas. Dahil minsan, hindi sapat ang pakiusap, kailangan ng parusa at panagutin ang mga abusado.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments