Mga eksperto at pamahalaan, dapat joint-forces para sa mabilis na pagbabakuna
ni Ryan Sison - @Boses | November 6, 2021
Walong buwan matapos simulan ang national vaccination program sa Pilipinas, tanging Metro Manila ang rehiyon na nakapagbakuna na ng higit kalahati sa target na 70% ng populasyon nito.
At noong Martes, higit 88% ng target na 9.7 milyong indibdiwal na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 sa Metro Manila.
Pangalawa sa Metro Manila ang Cordillera Administrative Region, pero nasa 39% pa lang ng target nito ang bakunado. Sinundan ito ng Davao Region (37%), CALABARZON (36%),
Central Luzon (33%) at Northern Mindanao (32%). Samantala, siyam na rehiyon ang nakapagturok ng kumpletong bakuna sa 20 hanggang 30% ng target population.
Pangalawa sa huli ang Bicol Region kung saan higit 19% lang ng target population ang fully vaccinated, habang pinakamaliit na porsiyento ng may bakunado ang BARMM na nasa 9.8% lamang.
Paliwanag ni BARMM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, isa sa mga hamon sa rehiyon ang pagdadala ng COVID vaccines sa mga isla at malalayong lugar, ngunit ang pinakamalaking hamon umano ay marami pa ring ayaw magpabakuna.
Samantala, ganito rin ang problema sa Metro Cebu kahit halos kalahati ng total eligible population ay fully vaccinated na.
Ito ay dahil may mga residenteng misinformed dahil sa mga impormasyong kumakalat sa social media, takot sa komplikasyon o side effect, hindi kumpiyansa sa kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna at brand preference.
Tulad ng sinasabi natin, iba’t iba ang sitwasyon ng bawat probinsiya at rehiyon, kaya malamang na iba rin ang pagtanggap at opinyon ng mga tao sa bakuna kontra COVID-19.
Kaya naman, malaking hamon nga para sa LGUs na makumbinse at maturukan ang target population ng kanilang nasasakupan.
Ilan sa mga diskarte ng ibang LGU ang pagpapaigting ng information campaign hinggil sa bakuna, pa-raffle at pagbibigay ng bigas sa mga nagpapabakuna. Mayroon ding nagbabahay-bahay, drive thru vaccination at bakuna nights.
Siguro nga, maraming pasensiya pa ang kailangan upang mahikayat ang marami nating kababayan na magpabakuna, pero sana, mas maipaunawa muna natin sa kanila ang kahalagahan ng bakuna. At dito na papasok ang mga eksperto upang masagot ang lahat ng katanungan ng mamamayan.
‘Ika nga, pinagsamang puwersa ng mga eksperto at pamahalaan ang kailangan upang maisagawa nang maayos ang national vaccination program.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments