top of page

Mga dapat ingatan ngayong holiday season

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 27, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 27, 2023


Napakabilis ng araw, kamakailan lang ay nagkukumahog tayo dahil papalapit na ang araw ng Pasko ngunit ngayon ay pinaghahandaan na naman natin pagsapit ng Bagong Taon at sa hindi malamang kadahilanan ay abala ang marami sa ating kababayan hinggil dito.


Karamihan ay may pamahiin o istilo sa pagsalubong sa Bagong Taon na karaniwan ay impluwensya lamang ng ibang lahi at ang iba naman ay marketing strategy upang lumakas ang bentahan ng mga bagay na may kaugnayan sa paghihiwalay ng taon.


Alam naman natin ang ating mga kababayan, partikular ang mga nagsiuwi sa kani-kanilang probinsiya na sinusulit ang kanilang bakasyon kaya maya’t maya ang handaan o paghaharap-harap hanggang sa matapos ang holiday season.


Bago mag-Pasko ay nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) na hindi lamang pag-inom ng alak ang dapat iwasan kundi dapat ding mag-ingat sa mga pagkain upang maiwasan ang non-communicable illness tulad ng diabetes at cardiovascular diseases.


Pero, sana ang babalang ito ay hindi para sa nagdaang araw ng Pasko lamang dahil kabi-kabila pa rin ang handaan hanggang sa sumapit ang Bagong Taon at naglipana ang mga maaalat, matataba at matatamis na pagkain na inihahanda ng ating mga kababayan.


Lalo na ‘yung mga kababayan nating manginginom na sa umpisa ay nag-iingat sa pagkain ngunit, kapag lasing na ay nawawalan na ng kontrol sa pagkain at banat na nang banat ng pulutan.


Kabilang sa dapat nating bawasan ay ang pagkain ng processed foods, gaya ng junk foods, sweetened beverages, mamantikang pagkain na kung hindi talaga maiiwasan ay dapat bawasan upang makatiyak tayo na malusog tayong aabot sa pagsalubong ng Bagong Taon.


Magandang alternatibo ang vegetables o fruit salad para sa mga malalakas kumain o mga pagkaing gulay at isda dahil may kahabaan pa ang mga araw ng handaan at kailangan talaga ng dobleng pag-iingat.


Ayon kasi sa huling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang heart disease pa rin ang nananatiling nangunguna sa nagiging sanhi ng kamatayan ng mga Pinoy mula Enero hanggang Nobyembre 2022 na may kabuuang 121,558 kaso o 18.3 porsyento para sa nabanggit na panahon.


Nasundan ito ng cerebrovascular disease na may 56,411 na naitalang nasawi at neoplasms na may 57,354 ang binawian ng buhay — samantalang pumalo sa ikaapat na puwesto ang diabetes na sanhi  ng kamatayan ng Pinoy sa pareho ring panahon na nakapagtala ng 32,339 na nasawi.


Hindi naman masamang magsaya ng grabe lalo pa at kasama natin ang mga mahal natin sa buhay ngunit dapat nating bigyang pansin ang paalala ng DOH na umiwas sa grabeng pag-inom ng alak, uminom ng maraming tubig, matulog ng sapat at mag-exercise kahit 30 minuto sa loob ng isang araw.


Pilitin nating maisingit ang pag-eehersisyo sa gitna ng bakasyon dahil isa ito sa pinakaepektibong paraan upang hindi tayo maatake o dapuan ng matinding karamdaman sa gitna ng holiday season.


Huwag ding maging kumpiyansa kahit negatibo tayo sa COVID-19 ay kailangan nating magsuot ng face mask kung susuong tayo sa maraming tao — lalo na sa pagsalubong sa Bagong Taon dahil usung-uso ngayon ang pagkakahawa-hawa ng ubo, sipon, lagnat at trangkaso.


Higit sa lahat dapat din tayong mag-ingat sa pagsalubong sa Bagong Taon dahil sa rami ng nagpapaputok at nito lamang Disyembre 25 ay umabot  sa 16 ang naitalang mga kaso ng fireworks-related injuries.


Ito ay base lamang sa inisyal na ulat ng DOH at hindi pa kabilang dito ang opisyal na ulat ng Philippine National Police (PNP) kung saan isang biktima ang napinsala ang mata ng isang hindi naman humahawak ng paputok.


Kumbaga, nagkataon lamang na nagawi sa lugar na may nagpapaputok ang biktima at sa kasamaang palad ay natalsikan sa mata at ngayon ay habang buhay nang apektado ang kanyang paningin.


Kaya tiyakin nating kahit na sa mga designated area pa magsasagawa ng fireworks display ay makabubuting mag-ingat pa rin, huwag lumapit at tiyaking hindi aabutin ng nagliliparang apoy upang makaiwas sa aksidente.


Ipagkatiwala sa mga eksperto ang paghawak ng paputok at huwag magbabakasakaling sumubok kung wala o kulang naman ang karanasan sa paghawak ng paputok upang mapanatili ang kaligtasan.


Walang pinipili ang sasabugan ng paputok at isa sa pinakahuling biktima ay 6 anyos lamang at sa 16 na bagong biktima ng paputok ay may isang babae at karaniwan ay puro lalaki na hindi lalagpas ang edad sa 35.


Sa ngayon ay nasa 28 na ang kabuuang bilang ng biktima ng paputok at nais kong ipaalam sa inyo sa 36 porsyento sa mga ito ay hindi man lamang nagsindi, nakialam o humawak ng paputok.

 

Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page