Mga dahilan para maremata ang isang family home
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 26, 2023
Dear Chief Acosta,
Isinangla ng aking mga magulang ang aming bahay sa isang bangko upang makapag-umpisa ng negosyo, at mayroon silang pinirmahang Deed of Mortgage para rito. Sa kasamaang-palad, hindi na nila nabayaran ang kanilang utang at sinabihan kami ng bangko na ireremata na diumano ang aming bahay. Ito lamang ang naipundar na ari-arian ng aking mga magulang. May nakapagsabi sa akin na hindi diumano maaaring maremata ang isang family home. Tama ba ito? –Katya
Dear Katya,
Para sa iyong kaalaman, ayon sa Artikulo 155 ng Family Code of the Philippines, ang family home ay hindi maaaring makuha ng mga creditors. Ngunit may mga exceptions pa rin ukol dito. Ayon sa nasabing batas:
“Article 155. The family home shall be exempt from execution, forced sale or attachment except:
(1) For non-payment of taxes;
(2) For debts incurred prior to the constitution of the family home;
(3) For debts secured by mortgages on the premises before or after such constitution; and
(4) For debts due to laborers, mechanics, architects, builders, materialmen and others who have rendered service or furnished material for the construction of the building.”
Samakatuwid, sa kadahilanang isinangla ang inyong bahay ng iyong mga magulang bilang seguridad sa kanilang inutang na may kaakibat pang Deed of Mortgage, ang iyong sitwasyon ay exception sa general rule at maaaring maremata ng bangko ang inyong bahay kahit ito ay isang family home. Ang pagremata ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng judicial foreclosure kung saan maghahain ng kaso ang bangko sa korte o extra-judicial foreclosure, kung ito ay napagkasunduan sa Deed of Mortgage.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala





Comments