Utang na may interes, kailangang may kasulatan

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 23, 2026

Dear Chief Acosta,
Nangutang sa akin ang kaibigan ko. May naging usapan kami na papautangin ko siya ng Php100,000.00 na babayaran niya sa loob ng limang (5) buwan. Bagama’t walang kasulatan, napag-usapan din namin na magkakaroon ng interes na 1% sa bawat buwan sa kanyang utang. Pagkalipas ng limang (5) buwan, sinubukan ko siyang singilin ng halagang kaniyang inutang pati ang interes na aming pinag-usapan, kaso ayaw na niyang bayaran ang interes dahil wala naman kaming kasulatan. Gusto ko lang pong malaman kung kailangan pa po ba ng kasulatan pagdating sa pagpapataw ng interes sa utang? — Giana
Dear Giana,
Bago ang lahat, alamin muna natin ang konsepto ng utang sa ating batas. Ayon sa Artikulo 1953 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, ang utang, o tinatawag na simple loan o mutuum, ay isang kasunduan kung saan ang isang tao ay tumatanggap ng pera mula sa kaniyang pinagkakautangan, at pagkakuha niya ng nasabing pera ay siya na ang nagmamay-ari nito. Dahil dito, tungkulin niyang bayaran ang salaping kaniyang hiniram sa kaniyang pinagkakautangan.
May dalawang uri ng utang o simple loan. Una, ang tinatawag na gratuitous simple loan. Ito ay nangyayari kapag ang nagpapautang ay nagpahiram nang walang interes na ipinataw. Samakatuwid, tungkulin lamang ng nangutang na ibalik ang eksaktong halaga ng perang kaniyang hiniram. Pangalawa, ang tinatawag na onerous simple loan: sa uri ng utang na ito, ang nagpautang ay nagpapataw ng interes sa halagang inutang sa kaniya.
Ngayon, kung magpapataw ang nagpautang ng interes, ano ang sinasabi ng batas patungkol dito?
Ayon sa Article 1965 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, maaari lamang singilin ang napag-usapang interes kung ito ay may kasulatan:
“ARTICLE 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”
Malinaw ang nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na bago makapagpataw ng interes ay may kailangan munang matupad: (1) mayroon dapat na malinaw na kasunduan o kondisyon sa pagpapataw ng interes; at (2) kailangang ang nasabing kasunduan ay nakasulat.
Sa iyong sitwasyon, bagama’t ikaw at ang iyong kaibigan ay may napagkasunduang interes, hindi ito nakasulat. Kaya naman, maaaring hindi mo masingil sa kaniya ang nasabing interes dahil hindi natupad ang nakasulat sa batas na kinakailangang ang kasunduan sa pagpapataw ng interes ay may kasulatan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments