top of page
LET’S SEE - AGOT, BIANCA, DINGDONG ATBP. ATENISTA, TAMEME SA KAHIHIYAN NG ATENEO SA PAGKAM

Mga content creator na pasaway sa kalsada, panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 18
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 18, 2026



Boses by Ryan Sison


Dapat malinaw sa lahat na ang pagmamaneho ay hindi entablado para sa content kundi isang responsibilidad na may kaakibat na buhay at kaligtasan ng kapwa motorista at publiko. Sa panahon ngayon na halos lahat ay may kamera at social media, paalala ito na may hangganan ang pagiging influencer, lalo na kung nalalagay sa alanganin ang iba.


Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang babaeng vlogger na umano’y nag-record ng sarili habang nagmamaneho ng puting convertible. Ayon sa ahensya, ang video ay ibinahagi sa isang Facebook group at malinaw na ipinapakita ang paghawak ng recording device habang umaandar ang sasakyan.


Para sa LTO, malinaw itong paglabag sa batas laban sa distracted at reckless driving — mga kasalanang direktang banta sa kaligtasan ng publiko. Iginiit ng ahensya na ang pagpapatupad ng batas trapiko ay para maprotektahan ang lahat ng motorista at pedestrian.


Inutusan ang vlogger at ang rehistradong may-ari ng sasakyan na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division sa itinakdang petsa at oras upang magsumite ng beripikadong paliwanag. Kailangang ipaliwanag ng vlogger kung bakit hindi siya dapat managot sa distracted at reckless driving at kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya.


Kapag napatunayan ang pagkakakilanlan sa pagdinig, awtomatikong ipapataw ang 90-araw na preventive suspension ng lisensya, isusuko ito sa araw ng pagharap, at ilalagay sa LTO alarm ang sasakyan. Kung hindi sumipot o hindi nagsumite ng paliwanag, ituturing itong pagtalikod sa karapatang marinig at aaksyunan ang kaso batay sa ebidensiya.


Ang usaping ito ay hindi lamang tungkol sa isang vlogger kundi sa kulturang unti-unting nagiging normal ang paglabag sa batas para sa views at likes. Ang kalsada ay pampublikong espasyo na pinaghahatian ng ordinaryong manggagawa, estudyante, senior citizen, at pamilyang nais makauwi nang ligtas. Kapag pinili ang content kaysa konsensya, ang kapalit ay maaaring buhay.


Ang mahigpit na tindig ng LTO ay proteksyon, hindi pananakot. Ang batas trapiko ay para sa lahat, sikat man o hindi. Ang tunay na impluwensiya ay nasusukat sa pagsunod at pagrespeto sa kapwa, hindi sa dami ng nanonood. Dito nagsisimula ang disiplina, at dito rin nasusubok ang pananagutan sa taumbayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page